Bagyo

Poetry by | June 28, 2021

Ilang mga hapon na ring humahagulgol ang kalangitan.
Nilalamon ng mga halamang uhaw
ang bawat buhos
hanggang sa mapatid at maubo sa dami.

Nakatingin lamang ako.

Ninanamnam ang mababagsik na patak
at malalamig na pag-ihip.
Hawak-hawak ang mainit na tasa ng tsaa. Kasabay nang bawat paghigop
ay ang pangungulila
sa misteryong hindi mapagtanto.

Napatingin sa Mama ko.
Pag-ibig ang nasilayan.

Mahinang nag-uusap sina Papa at Lola.
Pag-ibig ang narinig.

Napalilibutan ako ng pagmamahal.
Isang uri na kailanma’y hindi mababayaran. Sa kahit anong paraa’y hindi matutumbasan.

Nabubuhay ako sa pagmamahal.
Nilalanghap at dinadanas sa araw-araw.
Mula sa simula
at sa darating
na huling pagsilip ng liwanag.

Subalit

Tila inaasam pa rin
ang ‘di mawaring
matalik na misteryo.

Siguro’y hihintayin na lamang—
paglipas nitong bagyo.


Si Eric Michael ay nagsusulat mula sa pagitan ng liwanag at kadiliman ng Iligan.

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.