Gunting

Fiction by | October 7, 2019

Pinagmamalaki ko ang itay ko! Bakit? Kasi marami siyang kwentong barbero. Malamang, barbero siya e. Sa dinami-rami pa naman ng kanyang ginugupitan araw-araw, marami na siyang istoryang nakalap. Bawat kostumer, may tsismis. Ngunit ang nakapagpapasaya na usap-usapan sa kanya nang lubusan? Ang tungkol sa kanyang galing sa paggupit.

Nakakahamangha si itay sa bawat seryosong tingin niya sa tamang anggulo ng gupit ng kanyang ginugupitan. Nakakaaliw tingnan ang kanyang malilikot na kamay at daliri sa kakagupit at kakasuklay ng mga hibla ng buhok. Nakakatuwa ang bawat ngiti niya kapag nakukuha niya nang sakto ang gusto niyang kahihinatnan sa kanyang obra. Oo, ito ay kanyang obra. Obrang gawa sa kamay. Obrang gawa sa pawis. Obrang gawa sa bahing. Obrang gawa sa kati. Obrang gawa ni itay.

Subalit iyon lahat ay naging isang kwentong barbero na lamang.

Hindi na marunong gumupit si itay. Dalawampu’t-limang taon na ako ngayon. Sampung taon na rin nung huli ko siyang nakitang humawak ng gunting na panggupit. Ang kanyang mga gamit pambarbero ay nakatago na lahat sa kanyang silid. Hindi na siya nagtatrabaho… ngayon. Hindi na siya barbero… ngayon. Nawala na ang kanyang angking galing sa paggugupit. Nakalimutan na niya lahat.

Nakalimutan na niya.

Araw ng Linggo, wala akong trabaho sa ospital. Kaya sinama ko si itay mamasyal. Pumunta kami sa isang peryahan. Doon ay nagliwaliw kami nang sobra. Sinakyan namin halos lahat ng rides doon nang magkasabay. Naglaro pa si itay ng baril-barilan kung saan kung may matamaan kang target ay iyon ang iyong premyo. Napatawa pa nga ako dahil ang natamaan niya ay isang wig. Magkasabay din kaming kumain ng hapunan doon pa rin sa peryahan. Maraming natutuwa sa amin kasi magkamukha kami ni itay, siguro ay dahil sa parehas kami ng damit, nga lang may suot akong bonnet. Lapitin din kami ng mga babae nang mga panahon na iyon. Napapatawa nalang kami ni itay.

Kalat na ang dilim nang pagpasyahan naming umuwi na, pero umangal ako. May pupuntahan pa kami. Saan? Sa barber shop ni itay.

Medyo maalikabok na ang shop ni itay. Halatang-halata na hindi na nagagamit. Mabuti nga’t sa amin talaga ito, kung hindi, matagal na itong naabandona, o ‘di kaya’y may nagrenta nang iba. Napapakunot ng noo si itay, tila nagtatanong sa sarili kung nasaan siya. Pati lugar ng kanyang kasiyahan, nakalimutan na rin niya.

“Maghintay ka rito, ‘tay. May kukunin lang ako.”

Pumunta ako sa dati niyang silid. Hinalungkat ko ang mga aparador doon at nakita ko na ang hinahanap ko. Lumabas ako’t nakita ko si itay na nakaharap sa salamin. Nakita niya ako. Lumapit ako at binuksan ang kanyang kamay.

“Itay…” sambit ko. Nilagay ko ang gunting sa palad ni itay. “Itay, kahit ngayon man lang, sa kaarawan mo, maalala mo lahat.”

Umupo ako sa harap ng salamin at kinuha ang bonnet ko. Sinuot ko ang wig na napanalunan ni itay kanina sa isang laro sa peryahan. Hindi dahil sa ayokong magupitan ang buhok ko, kundi dahil sa wala akong buhok.

Akma nang gugupit si itay nang sambitin niya,

“Kukuha muna ako ng suklay, anak,” sabay guhit sa kanyang labi ng ngiti tsaka pumunta sa silid.

Napaluha ako, dahil sa saya at lungkot. Hindi ko akalaing mahuhukay pa niya ang nakabaong alaalang binaon ng kanyang lumulubhang sakit. Akala ko’y natabunan na ang lahat. Akala ko’y masasayang lang ang pagsisikap ko bilang doktor niya na bumuti ang kanyang kalagayan kahit pa walang lunas ang sakit niya. Nga lang, ilang taon na lang ay baka mawala na ako. Hindi ko alam kung ito na ba ang huling kaarawan niya, ang huling gupit niya, kasama ang kanyang anak na may sakit din. Gusto kong gumaling, gusto ko pang mabuhay, gusto ko pang magupitan, para kay itay.

Magpapaopera na ako bukas. Malakas ang kutob kong kakayanin ko. Kakayanin ko. Dapat, kayanin ko! Isasakripisyo ko ang sarili ko para kay itay. At kung hindi man magtagumpay, ‘wag naman sana. Kung mawala man ako, nakalagay na lahat sa bahay kung ano ang dapat niyang gawin araw-araw. Pati gamot niya, pagpapacheck-up niya, at ang naipundar kong malaking pera para lamang sa kanya. Tinawagan ko na rin ang mga kapatid niya para may magbantay sa kanya. Pero sana, sana, mabuhay pa ako, kahit sandali pa. Diyos ko, kahit sandali pa.

Bumalik na si itay at sinimulan na niya akong gupitan. Nawa’y magkaroon ng mahika ang pagsabit niya ng tela sa akin. Nawa’y magkaroon ng milagro ang kanyang gunting na gugupit sa akin. Hindi man sa tunay kong buhok, ang katotohanang si itay ang gumugupit sa akin, mapapawi na ang lahat ng nararamdaman kong kalungkutan. Nakita ko muli ang kanyang seryosong tingin, ang likot nga kanyang kamay at daliri, at ang kanyang ngiti matapos ang kanyang gupit sa akin.

“Itay, bayad ho,” at sabay bigay sa singkwenta pesos kong dala sa kanya.


John Llyod is a second year, literature and cultural studies major student of University of Southeastern Philippines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.