Moda

Nonfiction by | July 28, 2019

Ilang buwan ring busy-busyhan ang Fiona. Matapos kasi ang ilang linggong pagka-ospital ng nanay niya, inuwi nila ito sa bahay. Comatose pa rin. At ang Fiona ang nasa frontline ng pag-aalaga.

“Takot kasi sila magpakain,” sabi nya.

Sa ospital pa lang kasi, nasanay na si Fiona sa pag-aalaga sa kanyang ina.

“Kapag may parang kumukulo sa tiyan nya, ibig sabihin non nakarating ang food na dinaan sa tubo,” sabi nya.

Sya rin ang taga-linis ng lahat ng dumi, taga-tanggal ng laway, taga-punas, taga-bihis, taga-paypay.

At dahil di na nga kami gaanong nagkikita dahil minsan na lang itong umuwi ng bahay, hanggang text na lang kami.

“Kabado na ako, parang this is the moment na talaga,” text nya sa akin kagabi.

Di ko alam kung paano magreply.

“Pero ready na ako. Nakakaawa na talaga sya. Anlalaki na ng mga sugat sa likod. Kita na ang spine,” dagdag na text nya.

“Antay na lang tayo sa tamang oras,” tanging nasagot ko sa kanya.

Kaninang alas nueve ng umaga, nagtext ang Fiona ng: “Wala na si Moda.”

*

“Wag na wag kang magco-collapse, ambigat mo kaya,” ang sabi ko kay Fiona Sabado ng umaga.

Ilang oras na lang ay ililibing na ang kanyang ina. Cool lang ang bakla. Kontrolado ang sarili. Inilabas ang bagong puting t-shirt.

“Ang liit naman yata nyan. Di kakaysa sa yo yan,” sabi ko.

“Watch ka lang. Pumayat na yata ako,” sabi nya.

Totoo, namayat ang bakla. Kanya kasi lahat sa pag-aalaga sa ina.

At di ko napigilang ikumpara kung anong pagsisilbi ang ginawa nya sa ina noong nabubuhay pa ito at ganon din ang ina sa kanya.

Mama Goring: Binubudburan ng baby powder ang malapad na likod ng anak.

Fiona: Pinupunasan ang pawis ng comatose na ina. Nililinisan ang sugat, na resulta ng bedsore, na kasinlaki ng palad.

Mama Goring: Nililinis ang pwet ng anak na pala-ebak.

Fiona: Nililinis ang pwet ng ina. Pinapalitan ng diaper.

Mama Goring: Hinihigop ang pingot na ilong ng siponing anak.

Fiona: Sinisigurong nakakabit ang tubo ng oxygen sa ilong ng ina.

Mama Goring: Hawak ang kamay ng anak nang ito ay nag-aaral pa lang maglakad. Di bumibitiw.

Fiona: Hawak ang kamay ng ina nang ito’y nakahiga na lamang, walang lakas. Kinakausap kahit di sumasagot.

“At least napagsilbihan mo nanay mo,” sabi ko kay Fiona.

Di sya kumibo.

“At kahit anong pagsisilbi ang ginawa mo, di mo pa rin kayang tapatan ang lahat ng ginawa nya,” dugtong ko.

Di pa rin sya kumibo.

“Di mo kayang tapatan ang iri nya noong ipinanganak ka,” dugtong ko pa rin.

Tumingin sya sa akin. Magsasalita na sana pero inunahan ko.

“Fifteen kilos ka kaya noong ipinanganak,” sabi ko.

“Ano ako lechon de leche?” tanong ng bakla.

Nagtawanan kami.

Sa simbahan, kontrolado pa rin ni Fiona ang emosyon. Pero nang matapos na ang misa, lumapit sa kanya ang pari. Sa aktong makikipag-handshake na ang pari, inabot din ni Fiona ang kanyang kanang kamay, sabay takip ng mukha gamit ang abaniko.
Umiyak sya.

Dali-dali akong tumayo. Lumabas ng simbahan. Di ko kayang tingnan si Fiona. Mas iyakin ako sa kanya.

Nairaos din ang libing. OK naman si Fiona.

Pagkagaling ng sementeryo, diretso kami sa bahay nila. Kainan na. Ang sarap ng humba.

At sa halip na pagdadalamhati, iba ang problemang inaasikaso ng magkapatid. Kulang kasi ang bote ng softdrink na pina-merienda sa sementeryo.

At dito ko nakitang kaya niyang ipagpatuloy ang buhay.


Nico Alconaba served as the Mindanao Bureau Chief of the Philippine Daily Inquirer. He lives in Davao City.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.