Ang Bagyong Hindi Madalas Kung Marso

Poetry by | April 7, 2019

Ang bagyong hindi madalas kung Marso
Ay tulad ng isang pangkaraniwang pagluha ng langit.
Subalit hindi na ito pangkaraniwan ngayon
Gayong wala nang makapagpaliban sa kanyang pagbuhos
Sumasaklob ang malalaki niyang patak
Sa aking namimigat na talukap;
Ang mga dahong nakayung-yong sa hardin
Ay napilayan din ng husto.
Para kaming sabay na umuusal ng panalangin
Na huminto na ang bagyo.
Itong nakapatong na lungkot sa aking balat
Ay unti-unting dumidiin, bumabaon sa aking laman
Sa pagsampal nitong hanging humahaplit sa akin
Nang may umingit na iyak sa pintig ng ulan,
At ako iyon – basang-basa ng luha, humihibik.
Ito lamang ang maririnig na lumalalim pang tunog
Sa magkabilang dulo ng ingay at tahimik,
Sa mga butas sa lupa na inapawan ng tubig.
May paparating pang hagibis kahit tag-init,
Subalit hindi ako papatda kung ikaw man ito, muli.


Avelth Castro Belicena. Pagkatapos sumali sa palihan ng IYAS, naligaw siya sa Mindanaw at nag-iwan ng marka sa Surigao, Misamis, Lanao, Butuan, Tagum at Davao bilang isang milagrosang mandirigma. Ngayon ay nahanap niya ang daan pauwi bilang reyna kasama ng kanyang dalawang prinsesa sa puso ng QC.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.