Naisip mo noong isda kang
ipinalit sa nawalang
ipinagbuntis na kapatid. Ayon sa iyong ina,
pag-ahon niya sa ilog naramdaman
ang pagkawala. Walang
bangkay sa lamay ngunit inaliw pa rin nila
ang mga sarili ng mga bugtong
upang walang talukap na bumagsak,
matiyak lamang na hindi tuluyang
makuha ng busaw ang nawala.
Ayon sa matatandang Tboli, isda ang kapalit
sa kinuha. Walang iniwan,
ayon sa iyong ina. Ilang taon pa
ang lumipas nang ikaw naman
ang dinadala. Hindi ka niya
hinele tungkol sa busaw nang hindi lumaki
sa kasamaan. Itinatago niya sa loob
ng tirahan ang hagdan pagdilim
nang hindi maakyat ng inaasahan.
Lumaki kang mulat
sa takot na walang katiyakan
ang anyo at nagugunita lamang
ng mga salita.
Sa salita nagiging tao ang mga isda,
iyong natutuhan malaon.
Malaon, nagdalaga ka
at nagdalantao. Isang takipsilim
nang nagtupok ka sa tabi ng puntod
ng kapatid na walang pangalan.
Ayon sa iyo, pagtayo mo naramdaman
ang pagkawala. Busaw, ikaw.
Tonem? ang iyong ina. Là,
olow mungol ngawóyen.
Laen luluken? Walang isda.
Mayroon lamang lansa.
M.J. Cagumbay Tumamac is a writer and reading advocate from southern Mindanao.