Pa

Fiction by | September 18, 2016

Tahimik kong tinanggap ang mga pangaral ni Lola kahit na gusto nang sumabog ng dibdib ko sa pagpipigil na masagot siya.

“Hindi ko naman napapabayaan ang pag-aaral ko, ‘La,” ngali-ngali kong isagot na ang tanging dahilan lang ng pagtitimpi ko ay ang pananahimik sa tabi ng Tatay ko.

Isa pang dumagdagdag sa pag-iksi ng pisi ko ang kuya kong kararating lang mula Maynila. Panay ang gatong at sulsol kay Lola na nagbanta pang tatawag sa kapatid naming nasa America na at sa ilan pang nasa Maynila.

Tinapunan ko ng tingin ang Tatay ko na hindi kumikibo sa panggigisa ni Lola sa akin at kausap na ngayon ang aking Tiyo. Parang tinarakan ang dibdib ko sa kawalan niya ng atensyon sa ginagawa sa akin. Mabilis kong inalis ang tingin sa kanya at nadaanan naman ng aking mga mata ang dalawa kong pinsan na bakas ang yabang sa mga mukha. Napatiim-bagang ako at inis na ikinuyom ang mga kamay ko.

“At sa inyo pa talaga ako ikinumpara! Eh mas mahirap naman mga lessons naming kaysa sa inyo!” bulyaw ko sa aking isip nang sumilay ang nakakalokong ngisi sa kanilang mga labi. “Pusang gala! Class A ako at nakikipag-kompetensya sa mga ka-lebel ng utak ko! Naging top lang kayo sa class section na Class B at C. Anak ng pusang gala! Matalino na yun?” Pagraragasa ng isip ko at isang irap ang ibinato ko sa kanila nang hindi nila nalalaman.

“Veronica?!” untag ni Lola sa akin dahilan ng pag-igtad ko. “Ayan na nga ba ang sinasabi ko! Ultimo sa pakikipag-usap, nawawala ka na sa pokus. Sinasabi ko sa’yo, Veronica. Wala pa sa mga kapatid mo ang nasira ang pag-aaral at huwag mong subukang manguna!”

Napabuntong-hininga na lang ako sabay tango. “Oo na, ‘La. Aayusin ko na,” mapagkumbaba kong sabi saka tumungo. “Pasensya na po kung nagagawa kong isabay ang pagbabasa ng pocket book habang nagkaklase,” dagdag ko pa dahil isa rin yun sa dahilan kung bakit ako napapagalitan ngayon na isinumbong kay Lola. “Na hindi magagawa ng mga bobong ito dahil bobo sila! Mga sipsip!” dugtong ko sa isip ko.

“Hmp!” sambit ni Lola na parang nawalan na ng bilib sa akin. Ang hirap maging paboritong apo, kahit ayaw mo, may ilalatag silang expectations na dapat mong maabot “Isa pa yang hindi mo pag-uwi ng class card mo! Bakit? Itinatago mo ang mga grado mong bagsak? Pumupurol na kasi yang utak mo kakabasa ng walang kwentang libro. Nagsasayang ka pa ng kwarta!”

“Puta!” impit na sigaw ng utak ko at napakagat ako sa aking pisngi. Madiin, malalim. “Laaaaaa! Wala akong bagsak!” May gigil na wika ko sa pagitan ng aking mga ngiping nakapinid. “Hindi ko inuuwi kasi sa school pa lang napipirmahan na ni Papa! ‘La naman! Teacher po du’n ang anak niyo! Common sense naman, ‘La!”

“Aba’t sumasagot ka na ngayon!” bulalas ni Lola kasabay ang panlalaki ng kanyang mga mata. Inambaan niya ako ng palo na mabilis kong iniwasan.

“Paaaaa!” sigaw kong tawag sa Tatay ko at nagdadabog na lumapit sa kanya. “Pa! Sabihin niyo kasi na wala akong bagsak! Na maayos akong nag-aaral!” pakiusap ko sa kanya pero ngumiwi lang siya.

“Iuwi mo na lang ngayong semester,” balewala niyang suhestyon.

“Ano ba yan!” tangi kong nasabi at isang masamang tingin ang ibinigay ko sa dalawang kutong-lupa kong pinsan na namutla na ang mukha. “Akala niyo ha! Lagot kayo next week!” bulong ko sa sarili ko.

“Pwede naman palang iuwi e!” sabat ni Lola at ako naman ang binigyan ng masamang tingin. “Ipakita mo at nang maniwala kaming nag-aaral ka pa ngang mabuti!”

“Oo na!” huling salita ko saka nagdesisyong iwanan silang lahat.

“Nawawalan ka na rin ng modo!” habol ng Lola ko na hindi ko na binigyan ng pansin.

“Hayaan niyo na siya, ‘Nay,” dinig kong sabi ng Tatay ko maya-maya. “May sariling isip yung bata. Hindi niya na rin kailangang patunayan kung nag-aaral ba siya para masabing matalino siya. Hindi man ‘yan nag-re-review, e nakakahabol at nakakasabay pa rin siya sa mga kaklase niya. Kahit nga hindi pa ‘yan pumasok, makakapasa ‘yan kapag may exam. Hindi dahil nagtuturo rin ako du’n sa school kundi dahil sadyang may natural na talino ang batang yan.”

Halos malaglag ang mga panga ko sa mga narinig ko. Nakangangang humarap ako sa nakapinid na pintong pisukan ko at tumitig doon. May kung anong gumapang sa aking dibdib sa mga salitang binatawan ng Tatay ko para sa akin.

“Bakit hindi man lang makapasok yan sa honor roll?” giit ng Lola ko.

“Kung seseryosohin niya, oo. Makakapasok siya sa mga top students,” sagot ng Tatay. “Nasa top class siya, hindi pa tapos ang semester at may isa pang semester pagkatapos nitong isa. Nakakapasok naman siya nung mga naunang tatlong taon niya at straight A ang apo niyo. Isipin niyo pa, ‘Nay. Iskolar siya hindi dahil guro ang ama niya. Naging iskolar siya dahil sa sarili niya. Huwag niyo namang ikumpara ang anak ko sa ibang mga apo niyo na hindi nagawang makapasok sa paaralan ng anak ko. Simpleng eksam na lang hindi pa naipasa.”

Sa mga oras na ‘yun, basa na ang mukha ko ng sarili kong luha. Kagat-kagat ko na rin ang ibaba kong labi sa pagpipigil na mapahikbi habang nakadikit ang tenga ko sa pinto.

I love you, Papa,” bulong ko.


Al Lorgentina is a BS Accounting Technology student at Ateneo de Davao University. She was born and raised in Toril, Davao City.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.