Sa aking mapayapang silid, di ako pinatulog ng mga bangkay,
Hinila nila ako pabalik sa silya’t inutusang bigyan ng buhay
Ang mga titik, tumirik mga mata, nakatirik puting kandila,
Sinulat ko kanilang kwento, gamit kong tinta’y kanilang dugo.
Biglang buhos ang agos ng imahinasyon at gunita,
Di kayang makalimot sa karahasan ng kahapon. Nagmistulang musika
Ang kalansing ng mga basyo ng bala sa tuwing humahalik sa lupa.
Dambuhalang sigaw ng mga bomba, duweto ng mga baril at granada,
Mura ng mga sundalo sa moske, pintig ng mga takot na puso
Iyak ng kapatid na nawalan, hikbi ng naulilang anak,
Na pilit ginigising ang inang duguan sa inaakalang pagtulog.
Sa bawat higpit ng kapit sa baril at kalabit ng gatilyo, bitbit nila’y hibik at hindi galit,
Animo’y nagmamakaawa. Naisin mang ipakita’t iparinig ang totoong daing ng puso,
Ngunit nagsiliparan na ang mga bala sa gitna ng kagubatan,
Nasugatan na ang mga balat na kinalyo sa hirap ng buhay,
Bumuhos na ang dugo, umagos na ang mga luha,
Kaya ang pusong binalot ng tapang, lahing nagmula sa magigiting at mapangahas,
Alas! Bakit pa nga ba aatras? Dahas laban sa dahas.
Kung noo’y tinataas ang kamay na nakabukas ang mga palad,
Nakadaop sa batok habang ang lupa’y hinihila ang mga tuhod,
Di kalauna’y natuto na ring isara ang mga kamao at lumaban sa mga ahas.
Habang ang tugon ng karamihan
Di na daw baleng maging alipin basta’t pinapakain,
Walang pinagkaiba sa “di na baleng kitilin basta’t ililibing,”
Sa kariktan ng mundo’y nauhaw, nabulag ang mga duwag!
Handang isakripisyo mga prinsipyo kapalit ng kakapiranggot na habag.
Ibahin ang paninidigan nila. Bigkis sa sandata’y may simbuyo’t poot,
Kaya milagro kung maaninag kanila’y buto’t balat na tabas,
Pagkat magtataka kung pa’no napapasan ang mahahabang armas
Sandamakmak na bala, tig-iisang pusong laman ay pamilyang iniwan
Walang pagtiyak kung makakapiling pa nilang muli, makakasalo pa kaya
Sa noo’y pinaghahatiang kamote at tubig sa batis.
At nakabalagwit sa kanilang balikat ang anino ng nakaraan,
Mga kubong kumain ng bala, at dumura ng dugo.
Sa loob ay mga batang pinagkaitan. Dumi sa kanilang kuko,
Alikabok sa kanilang mga paa. Ngayo’y humalo sa dugo
Galing sa pusong sariwa na tumigil na sa pagtibok.
Nakita ang anak na lumipad dahil pinaulanan ng kanyon.
Nilapitan, tiningnan sabog niyang mukha di na maipinta.
Pinulot, kalong-kalong sa mga bisig – ngayon itatanong niyo pa ba
Kung bakit gano’n na lamang ang galit nila?
Mahigit apat na dekada ng pakikipagtunggali,
Di lang apatnapu’t apat na sawi ang dapat ipinagluksa,
Libo-libong mga batang walang kamalay-malay, mga kababaihang
Hangad lamang ang mapayapang pamumuhay,
Kung rebelde mang maituturing, sila’y mga rebeldeng ninakawan.
Ngayon ipagkakait niyo pa ba ang kapayapaang hinahangad nila?
Tayo’y namumuhay sa mundo ng kabalintunaan.
Mga taong sumisigaw, sila ang hindi napapakinggan,
Kailangan ng kaguluhan upang makamit ang kapayapaan
Si Fatima na nakatakip ang mukha, sumunod sa utos ng Panginoon,
sa Pransya siya’y hinuli’t pinagpiyansa,
Habang si Anna’ng nakahubad, nagbibigay-aliw ay binabayaran pa?
Ang mga taong nakabarong, mga kagalang-galang sa paningin,
Pangalan ma’y santo, nais naman ng kaguluhan.
At sino pa yung piligro’y di na bago sa kanila, mahahabang riple
Nakasabit sa dingding, mga mata’y susubok-subok sa dilim
Mga aparato ng bomba’y nakasilid sa pinaglumaang karton,
Kung sino pa ang mga terorista sa paningin ng iba,
Sila pa ngayon ang nagtitimon para sa katahimikan ng madla.
Tunaw na ang kandila. Sa dalawang pahinang naisulat,
Tila kumawala ang sapi na nagtulak sa aking idibuho ang mga gunita
Gamit ang mga palambang titik na nagkapit-kapit upang mabuo ang isang obra.
Dumungaw ako sa bintana’t nasilayan pitong talang makinang,
Sa pagtingala’y tila nga’y malayo pa ang dulo, napaisip ako.
Noo’y abot-tanaw lang.
Ngayo’y malabo na naman.
Nassefh graduated from the University of the Philippines Mindanao with a degree in BA English, major in Creative Writing. He has performed “Mujahideen” in several events, including Young Davao Writers’ LitOrgy and the recent Kumbira 2016 with the Davao Writers Guild.