Sa Tula Tayo Nagsimula

Poetry by | September 13, 2015

Sa tula tayo nagsimula
Kaya nung nawala ka,
Ayokong ayokong makabasa ng Pablo Neruda
Oo, alam ko
Bestseller si Lang Leav
Pero please,
Pakitago na lang yung kopya
Sa tula tayo nagsimula
Kaya nung nawala ka,
Nangako ako:
Hinding hindi ako magsusulat ng tungkol sa’yo
Ngayon lang
Isang gabi ay niyaya mo akong makinig sa mga makata
Isang gabing tulad nito
Isang mikropono, isang entablado
Lubos akong namangha kung paanong dumadaloy
Na parang tubig ang mga salita
Mga piyesang naisasaulo
Nang simula hanggang dulo
Hanggang sa walang alinlangang bagsak ng mga kinatha
At kumpas ng mga kamay sa kawalan
Habang pinapanood ko sila, natanong ko ang sarili:
Nauubos nga ba ang sakit kapag pinakawalan ang mga salita?
O hindi kaya’t
Ang bawat katagang bibitiwan ay magmistulang
Panggatong sa apoy ng mga alaalang
Hindi mamatay-matay-matay-matay?
Umalingawngaw ang kanilang mga tinig sa bulwagan
At sa pagitan ng palakpakan at hiyawan,
Walang-imik tayong nakinig
Habang isa-isa nilang binuksan ang mga baon na kahon
Dala nila ang mga pira-pirasong puso,
Ang mga ligaw na bala na tumagos sa mga nabaling buto
Mga luhang inipon sa mga garapon
na hanggang ngayon, hindi pa rin magawang itapon
Noon, bahagi tayo ng madla, ng mga ipinauubaya
Sa mga makata na banggitin ang mga hindi natin kayang sabihin
Tulad ng dalagang nasa sulok na walang magawa
kundi panoorin ang kamay na gumagapang sa balikat ng kaniyang kaibigan
Kaibigan.
Higit pala sa kaibigan.
Tulad ng binatang may mga matang nagsasabing “Gusto kita”
Ngunit ‘di man lang mahawakan ang mga kamay na kanina pang bukas
May mga bulong na nagbabadyang halik
Hindi kayang tawirin
Ang sagradong espasyong namamagitan sa dilim
Tulad ng mga mas pinipiling ilapat ang mga labi
sa lamig ng bote ng beer:
hinahayaang tangayin ng alak ang mga ‘di kayang sambitin
“Ako na lang. Ako na lang.”
At sa bawat paglagok, itutulak
lulunurin pababa ng lalamunan
ang mga katotohanan
Noon, bahagi tayo ng madla
At tulad nila, sa ating munting sulok,
bumuo rin tayo ng sariling tula
Isang tulang kabisado ang bawat linya
tulad ng mga guhit sa iyong palad
na noon ay madalas kong hawak
‘Di ko man lang namalayan na
ang mga binuo mong makulay na panaginip
ay kathang-isip lang pala
Sa huli, ako ang kapeng tinikman
at iniwan na nanlamig sa hapag
At ikaw ang kandilang nagpasyang bawiin ang sariling apoy
Tulad ng kulog na ‘di kayang habulin ang harurot ng kidlat,
‘di nasabayan ng mabagal kong mata
ang kumpas ng iyong mahika
Namalikmata.
Kumurap makalawa.
At sa pagdilat ko,
naglaho ka.
Kung paanong isang tao ay
sinuyo at iniwan,
pinakilig at kinalimutan,
bumulusok ang ating kuwento
kumaripas pababa nang walang preno
at nang walang babala,
biglang huminto
Tapos na pala.
Pero heto ako:
Bumabalik pa rin sa tula
Kahit na ayokong maalala na
Dito tayo nagsimula


Kiara Rioferio is a Human Resources Specialist with a degree in Psychology from Ateneo de Davao University. She spent her formative years in Las Pinas City but now calls Davao City home. This piece was performed at August 30’s Lit7rgy: Seven Seers at the Red Rooster rooftop bar along MacArthur Highway.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.