Puyat ako kagabi. Masama ang loob dahil natalo sa sugal. Pero gumising pa rin ako nang maaga kanina. Inilabas ang karne sa freezer. Naglinis ng bahay. Mga alas dies ng umaga, sinimulan ang pagluluto.
Darating kasi si Kulot. Dadaan daw sya nang bahay bago sya lumipad pabalik ng Luzon.
Kahapon nagtext kami. Sabi nya, pananghalian daw sya pupunta.
Mag-aalas dos na ngayon, wala pa sya.
“Ambagal kasi ng nasakyan ko,” text niya sa akin.
“Ang sabi mo lunch. Anong oras na? Nasayang ang oras ko. May lakad ako dapat,” sagot ko.
“Sorry. Pwede pa ba akong pumunta dyan?” tanong nya.
Hindi na ako nagreply. Tinantya ko kung gaano pa kalayo ang panggagalingan niya. Mahigit isang oras pa na byahe.
Hindi na kami ni Kulot. Wala akong karapatang magdemand. Wala akong karapatang magalit.
At dahil hindi nga kami, wala rin akong pasensya para mag-antay.
Mag-closure syang mag-isa nya.
Matagal na’ng closed ang puso ko.
Pasensya na kung maikli ang aking pasensya.
Kahit late, dumating si Kulot. At tinaon pa nyang nasa CR ako, nakaupo sa tronong puti.
“Pasok!” sigaw ko mula banyo.
Pumasok sya. Di ko itinuloy ang aking plano. Lumabas ako ng banyo.
“Kumain ka na?” tanong ko.
“Hindi pa,” sagot niya.
“Kumain ka na dyan,” sabi ko.
Alam na nya ang gagawin. Kumuha ng pinggan. Nagsandok ng kanin. Kumuha ng ulam. Nilapag sa mesa ang pinggan. Binuksan ang ref. Kumuha ng tubig. Kumuha ng baso. Bumalik sa mesa. Umupo. Itinaas ang kanang paa. Ipinatong sa upuan.
Sya nga si Kulot. Walang duda.
Inumpisahan nya sa pagtatanong ng: “Sinong kasama mo ngayon dito?”
“Ako lang,” sagot ko.
Ako naman ang nagtanong ng: “Bakit antagal mo?”
“Ambagal ng bus,” maikling sagot niya.
“Aircon?” tanong ko.
“Ordinary,” sagot nya.
Sya nga si Kulot. Nasusuka kapag bumabyahe sakay ng airconditioned bus kaya kahit dagdag isang oras ang travel time, sa ordinaryong bus sya sasakay.
Nagsalitan kami ng mga tanong at sagot. Gaya ng dati.
Nang matapos syang kumain, binuksan nya uli ang ref, kumuha ng isang hiwa ng lemon bar.
Mabilis na inubos. Binuksan uli at kumuha pa ng isa. Nakailang ulit din syang nagpabalik-balik sa ref.
“Ako nagbake nyan,” sabi ko.
“Masarap,” sabi nya.
Niligpit ang pinagkainan. Nilagay sa lababo.
“Ako na nyan,” sabi ko.
Matapos maghugas ng kamay, umupo sya sa green sofa. Sa harap ko.
“Ang itim mo ngayon,” sabi ko.
“Tabing dagat kasi yung pinagtatrabahuan namin,” sabi nya.
Andami pa nyang kwento, tila sinasabing OK lang sya.
Naniwala ako. Mukha namang OK sya.
Tumayo sya. Inikot ang bahay. Sinilip ang mga kwarto. Pati CR tiningnan.
“Walang nagtatagong lalaki dyan,” sabi ko.
“Hindi, na-miss ko lang tong bahay,” sagot niya.
Nakataas ang kilay, napangisi ako. Pagbalik nya, naka-smile din sya.
Tumingin sya sa TV.
“Buhay pa pala yang ginawa kong TV stand?” tanong niya.
“OO naman, at di pa rin napipinturahan hanggang ngayon,” sagot ko.
Pareho kaming nakatawa.
“Ano yan?” tanong nya sabay turo gamit ang nguso.
“Laruan,” sagot ko.
At naglaro sya ng Wii.
Wala pa ring tigil ang kwentuhan namin habang pinapatay niya ang mga zombies, mala-palakang monsters, paniki at piranha sa larong Resident Evil.
Ngunit di nya maubos-ubos ang mga kalaban. Gusto kong kunin ang isa pang wiimote. Gusto kong sumali at tulungan sya. Pinigilan ko ang aking sarili. Laban nya ito.
Sa maikling panahon, sinubukan naming malaman ang mga nangyari sa kanya-kanyang buhay pagkatapos ng hiwalayan. At sa haba ng kwentuhan, ni minsan ay di napag-usapan kung bakit kami humantong sa ganon. Parang wala lang. Parang napag-usapan naming wag na’ng pag-usapan pa.
At dalawang oras bago ang lipad nya, iba naman ang inatupag namin. Inilabas ko ang mga gamit niya.
Inaayos ang mga naiwan nyang gamit.
Umalis sya. Mukhang masaya naman. Kita sa mata.
Ganon din ako. Ang gaan sa dibdib.
—
Si Mandaya Moore-Orlis ay isang manunulat mula sa Davao City.