III. Ibang Diwata
Dumating ako sa bahay nang palubog na ang araw. Tulad noong nakaraang taon ay hindi ko ipinaalam ang eksaktong oras at araw ng pagdating ko. Kusa na lang akong kumatok sa pinto.
“Kumusta na? Kumusta man ang imong seminar didto?” Tuwang-tuwa na bungad ni Mama nang makita niya ako. Ipinaalam ko sa kanya ang pagdalo ko sa Ikalimang Palihang Rogelio Sicat kaya hindi ako agad umuwi ng Cagayan de Oro nang dumating ako galing Saudi.
“Maayo man.”
Inabot niya ang aking bitbit na bag. “Kabug-at gud ani.” Binuksan niya ito nang mapansing mabigat at tila nagtaka kung ano ang laman.
Tahimik niyang itinupi ang ilang damit na nakasilid doon. At maingat niyang inilabas ang ilang kopya ng aking libro. Matagal niyang pinagmasdan. Sintagal ng mga panahong ginugol ko upang mabuo ang isang pangarap. Ang pangarap na makapagsulat at makapag-publish ng sariling aklat.
“Sakit naman intawon ning akong mata. Unsaon na lang nako ni sa pagbasa sa imong libro?” Ang nawika niya habang binubuklat ang hawak na aklat.
Nag-undergo si Mama ng eye operation noong isang taon matapos madiskubreng may namumuong katarata. “Magluha man ning akong mga mata pag magbasa ko.” Tinanggal niya ang kanyang salamin at marahang pinahiran ng kanyang palad ang luhang nangilid sa mga mata. “Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga… Ibang Lady Gaga.” Ngumiti siya nang ulitin niya ang pagsambit sa huling tatlong kataga.
Sumulyap ako sa kanya. Hinding-hindi ko na siya tatanungin tulad ng mga tanong ko kay Ma’am Chari. Ang itinuturing kong isang ‘Diwata’.
“Gutom ka na ba? Magluto sa ‘ko ha?” Naitanong niya matapos ayusin ang aking mga gamit.
Tumango ako.
At tumayo siya. Bitbit ang isang libro na tila ay isang diwatang bitbit ang puso ko.
IV. Book Launching
Alas-singko y medya na nang dumating ako sa Conspiracy Bar sa Visayas Avenue. Ito ang araw ng aking book launching ng aking unang libro, Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga.
Bitbit ko ang isang bag na may lamang 50 books na bagong imprenta.
Pagkababa ko ng taxi ay sumalubong sa akin ang dalawa kong kaibigan. Pagkapasok ko sa bar, bumungad naman sa akin ang lima ko pang bisita. Isa roon ang aking itinuturing na mentor. Nakaupo sa harap ng isang maliit na mesa kaharap ang isang bucket ng SMB Pale pilsen. Sandaling binati ko sila at pumasok ako sa loob para maghanda sa programa sa gabing iyon.
Malamlam ang liwanag sa loob ng bar. Naupo ako. Kasama ang dalawang kaibigang sumalubong sa akin kanina.
Ilang oras ang lumipas ay dumating ang isa kong kaibigan at ang isa pa niyang kasama.
At sumunod, pumunta rin ang aking itinuturing na pinakamatalik kong kaibigan kasama ang dalawa pa.
Para simulan ang programa ay tumayo ako sa harapan upang batiin ang mga dumalo at pinagbigyan ang aking paanyaya. Nabibilang ko lang sila sa aking mga daliri.
Bilang ko rin ang bawat lagok ng serbesa sa malamig na baso. Inikot ko ang isang bote ng San Mig light pagkatapos magsalin at punuin ang basong may ilang ice tubes.
Inabot ko ang mikropono. Ako ang magiging Emcee.
Matapos magbigay ng kani-kanilang performances ang ilan sa aking mga bisita at kaibigan ay muli akong tatayo sa harapan upang tatawagin uli ang susunod na magbibigay ng mensahe para sa akin o magbabasa ng ilang dagli sa aking libro.
Muli, hawak ko ang bote ng San Mig light. Nagsalin ako sa aking baso. Nabibilang ko ang ilang lunok sa mapait na beer.
Alam kong hindi mauubos ang bucket ng beer at inabot pa kami ng happy hour sa Conspiracy bar.
Nasa taxi na ako, bitbit ang bag at ilang natitirang kopya ng libro.
“Writer kayo, sir?” ang tanong ng taxi driver nang marinig ang pag-uusap namin kanina ng aking kaibigan sa telepono.
“First time pong mag-self publish ng sariling libro. Book launching ko po.”
“Yan ang pangarap ng anak ko.” Wika niya habang abala sa manebela.
Kumuha ako ng isa. Inabot ko sa kanya.
“Maraming salamat, sir. Ibibigay ko ito sa kapatid nya. Wala na kasi siya.”
Napalunok ako. Mapait ang aking laway. Simpait ng beer. At tulad ng mga kuwento habang dumarami, tumatamis.
Parami nang parami sila.
V. Si Salman
Nasa kalagitnaan ng book launching ng aking unang libro, Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga na ginanap sa Conspiracy bar nang tumunog ang aking telepono. Sinilip ko. Si Salman ang tumatawag.
“Teka, overseas call. Si Salman ko.” Anunsyo ko habang hawak ang mikropono sa harap ng mga dumalo.
Pina-loud speaker ko ang iPhone.
“OMG!” Bulalas ko.
“Mashallah. Congratulations, Jackie!” Bati nya sa telepono.
“Ang haba ng hairlelet ko! Si Salman po ang isa sa mga buhay at totoong karakter sa aking libro, “ pahayag ko. “He is a man crying in front of the fairy. Translation, please… Isang lalaki ang umiiyak sa harap ng isang bading.” Ang tinutukoy ko ang isa sa nakakalokang translation ng traslate.google at napapaloob kasama sa siyamnapu’t isang dagli sa aking libro.
“Extend my regards to them, to your friends… and I love you.” Iyon ang mga huling salita niyang binitawan na sinsarap ng napakalamig na San Mig Light na hawak-hawak ko.
Naupo ako uli. Ibinigay ko ang mikropono sa susunod na babasa ng dagli.
Malamlam ang ilaw sa loob ng Conspiracy Bar. At bagay na bagay upang muling sundan ang mga kabanata ng karanasan ko sa Saudi Arabia kasama si Salman. Isinara ko sandali ang hawak na libro. Hinding-hindi ko hahanapin ang mga kwentong kasama siya. Kung papano ko siya inilarawan. Kung sino siya sa mga tauhan sa maiiksing maiksing kwento.
Alam kong hindi kathang-isip ang tulad ni Salman. Naroon siya kasama ko nang una kong ikuwento ang mga kuwentong dala-dala ko kasama sa aking pakikipagsapalaran sa Saudi Arabia. Naroon siya nang mga panahong nangangailangan ako ng tulong pinasyal para sa operasyon ng mata ni Mama nang ma-diagnose itong may namumuong katarata. Hinanap ako sa mga ospital, nagtanong-tanong sa mga kaibigan nang makulong ako ng tatlong araw sa Al-Khobar jail dahil sa paglalasing. Naramdaman niya ang takot ko sa aking pagtatapat nang mahatulan ako ng pitumpong palo sa likod. Naroon siya kasama ko nang umiyak ako dahil bumalik ako ng Saudi na di man lang nagpakita sa aking ama.
Bago ko muling abutin ang mikropono, nag-beep ang aking telepono. Isang text message muli kay Salman.
“I may not be your greatest love story. But I will always have your story.”
Sa gabing iyon, natagpuan ko na yata ang panibagong kabanata ng isang kuwentong maiihahambing ko at nababasa ko lang sa mga imortal na fairytale. Tila nagising ako mula sa isang daang taong pagkahimbing.
—
Jack A. Alvarez is a proud OFW based in Al-Khobar, Saudi Arabia. His poems appeared in anthologies both in print and online. His first book, a collection of dagli (traditional vignette) and a memoir entitled, Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga, was published in May 2012.
One thought on “At Kumbakit Ko Minahal Ang Pagsusulat ng Dagli (Part 2 of 2)”