I. Sir Ruel
Matapos ang apat na taong pamamalagi sa Saudi bilang OFW ay ngayon ko lang din mami-meet ng personal ang ilan sa mga taong naging bahagi ng aking virtual world. Sa Multiply at lalo na sa Facebook.
Lulan ako ng taxi papuntang UP Diliman. After lunch hours daw ay nasa nasabing unibersidad si Sir Reuel.
Naging online mentor ko siya. Isa siya sa tagabasa at nagbibigay ng mga komento sa aking mga akda. Sa katunayan, sa kanya ko unang narinig ang salitang ‘dagli’. Na ayon sa kanya, ang uri ng aking mga piyesang may anyong naratibo, mas maiksi pa sa maikling kuwento, o mas malapit sa vignette ay nasa pormang dagli. Flash fiction kasi ang nakasanayang itawag ko sa mga blogs ko noon. Doon kami nagsimulang magkaugnay bilang isang baguhang manunulat at isang itinuturing na mentor sa panulat.
Sinipat ko ang aking relo de pulso. Tamang-tama ang oras ng aking pagbisita. Tila isa akong anak na matagal na nawalay sa kanyang ama. Nag-aalangan sa maaring sasabihin nito. Nag-aalala sa maaring kahinatnan ng aming pagtatagpo.
Isinandal ko ang aking ulo sa upuan ng taxi, muli kong naalala ang unang pagdalaw ko sa aking ama mula nang abandunahin niya kami ng halos isang dekada.
Nakatingin ako sa kanyang mukha. Tandang-tanda ko pa ang hugis nito. Ang kanyang mga mata, ang kanyang kilay, ang kanyang ilong, ang kanyang bibig, ang kanyang noo, ang kanyang tenga, ang kanyang buhok. Malinaw na malinaw sa akin ang deskripsiyon ng kanyang imahe. Hindi ko talaga siya nakakalimutan. Pitong taong gulang lang ako nang iwan niya kami. Ngayon, nasa harapan ko siya na tila natulog lang ako ng isang gabi at kinabukasan ay muli ko siyang nasilayan.
“Kumusta na ug ang imong mga manghod?” Ang aking ama. At naalala rin pala niya ang dalawa kong nakababatang kapatid.
Pinagmasdan ko ang kanyang mukha. Marami akong nababasa roon. At kusa ko ring ipinabasa ang kalungkutang kinimkim na magpahanggang ngayo’y di ko binubura.
Alam kong may mga bagay na di kayang buuin lamang sa imahinasyon tulad ng isang karapatan ng isang anak. Karapatang umangkin na pag-aari ang isang ama tulad ng legal na pamilya. At iyon rin marahil ang dahilan ng huli naming pagkikita.
Pinahinto ko ang taxi sa Faculty building. Bumaba ako at tinext ko uli si Sir Reuel.
Andito ako sa Conference Hall. Ang natanggap kong mensahe.
Nagtanong ako sa guard. At binanggit ko ang kanyang pangalan. Agad naman akong kinumpirma na nasa loob siya ng nasabing hall.
Ilang minuto ang lumipas, narinig kong may tumawag sa aking pangalan. Nakatalikod man ako ay nakilala nya ako agad. Dahil siguro, ako lang ang kanyang inaasahang bisita sa araw na iyon. At sigurado akong si Sir Reuel iyon dahil siya lang din ang alam kong nakakakilala sa akin sa loob ng napakalawak na UP Diliman.
Niyaya niya ako sa faculty lounge. Umorder kami ng kape.
“Hay, Sir, sa wakas at nagkita na rin tayo.” Pahayag ko sa kanya.
Ngumiti siya.
Pinagmasdan ko ang kanyang mukha. Kung papaano ang angkop na paglalarawan sa kanyang ngiti. Nais kong ihambing ang kanyang ‘ahahaha’ sa tuwing kachat ko siya sa Facebook. Gusto kong basahin ang kanyang emosyon. Ang kanyang ‘oks’ bilang tanda na okay sa tuwing kinukulit ko siya ng kanyang komento sa naka-post kong piyesa. At sa kanyang ’wow’ kapag nagugustuhan niya ang aking mga ginawang rebisyon na lagi niyang pinapaalala na wag mag-alangan at wag matakot mag-eksperimento sa pagsusulat.
Natuon ang aming usapan sa ilalabas kong libro, Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga. Isang koleksiyon ng mga dagli sa anyong nobela.
“Sir, syempre. Ikaw ang kinikilala kong ama”, wika ko na wala akong pakialam kung kilabutan man siya sa pagtawag ko sa kanya bilang ‘ama’. “Pasensya po talaga at ipapahamak kita.” Dugtong ko pa.
At nasundan iyon ng tawanan.
Mahaba-haba ang aming kuwentuhan. Nakapag-refill siya ng isang tasa ng kanyang kape. Ako nama’y tila naikuwento ang siyamnapu’t isang dagli ng aking mga karanasan bilang migranteng manggagawa sa Saudi hanggang sa naisalibro.
Nagpaalam na kami sa isa’t isa. At muling magkikita sa nakatakdang book launching ng aking unang aklat sa susunod na linggo.
Naupo ako sandali sa bench sa harap ng Faculty building. Maghihintay ako ng taxi at muli kong isasandal sa upuan ang aking ulo. Marami akong gustong maalala. Dahil hindi lahat ng unang pagdalaw ay ang pinakahuli.
II. Ma’am Chari
Sa unang gabi ng Ikalimang Palihang Rogelio Sicat, binigyan ako ng pagkakataong makapag-book launch uli ng aking unang libro, Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga na naunang ilunsad sa Conspiracy Bar.
Matapos kong ipakilala ang aking aklat ay namahagi ako ng complimentary copies para sa mga fellows, staff, at gayundin sa mga karuguruan ng palihan. Isang simpleng book launching, pagkatapos ay inuman at kuwentuhan.
Sa gabing iyon, nagkaroon din ako ng pagkakataong makausap si Ma’am Chari, isa sa mga mentor ng workshop. Siya ay propesor sa UP Diliman, kilalang tagasalin at kritiko; at premyadong kuwentista sa Ingles at Filipino. Ngunit mas nailalarawan ko siya bilang ‘Diwata’ ng mitolohiya at kasaysayan sa panulat.
“Ma’am, magaganda po ba ang aking mga dagli?” Tila isang anak akong humihingi ng papuri mula sa isang ina. Ang kalipunan ng mga maiiksing naratibo na napapaloob sa libro ang aking tinutukoy. “May insight po ba?”
“Oo naman,” ang wika niya na animo’y nagbukas ng sanlibong mahika sa aking haraya’t imahinasyon. Binuklat niya ang kopya ng aking aklat. Sinilip ang ilang pahina. “Totoo ba ang lahat ng mga kuwentong ito?” Isang tanong na parang hindi tanong kundi isang talinhagang may nais ihulagway.
Ngumiti ako sa kanya.
Gumanti rin siya ng ngiti na tila dinala ako sa isang dimensyong pumailanlang ang bawat kwentong tinipon ko sa aking libro.
Nagpatuloy kami sa kuwentuhan. Mahabang kuwentuhan. Singhaba ng mga pangarap kong maging isang manunulat. Ang paghahanap sa pangarap na mapasali sa mga creative writing workshop tulad ng PRS ay isang senyales na hindi ako bumibitaw. Kaya itinaon ko ang pagbakasyon sa Pinas kasabay ng schedule ng palihan matapos ang tatlong taong pagiging OFW sa Saudi Arabia.
Pagkalipas ng limang araw, natapos ang palihan at nilisan namin ang Sta. Cruz, Marinduque kung saan ito idinaos. Maghihiwalay-hiwalay na kami ng patutunguhan. Ang iba ay babalik ng Maynila, may pa-Quezon, may uuwing Laguna, at kung saan-saan pang probinsya. Ako naman ay patungong Cagayan de Oro. Bitbit ko ang ilang natitirang kopya ng aking libro. Bitbit ko rin kasama ang isang munting kuwento.
Minsan, may isang gabing mahiwaga at nakipagkuwentuhan ako sa isang diwata…
—
Jack A. Alvarez is a proud OFW based in Al-Khobar, Saudi Arabia. His poems appeared in anthologies both in print and online. His first book, a collection of dagli (traditional vignette) and a memoir entitled, Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga, was published in May 2012.