Minsan, sabi ng talaarawan ng ating kamalayan sa nakaraan,
Tayo’y bumuklod, bumukod sa sigaw ng bayanihan sa daanang
Siyang tinitingala nating larawan ng kalayaan,
Binuhay ang karamay nating alaala ng kaalaman, kasaganahan, kaginhawaang
’di mapanlinlang, ’di dinadanakan
ng dugo ng ilang mulat na taongbayan.
Ngunit, sa paggulong muli ng buhay,
Pagkatapos pinadilaw ang kulay ng tagumpay,
Tunay na kay daling pinabayaan
ang pagbabantay na pumatay sa bangungot ng baluktot na paghahari-harian
sa bayan na ang pinagkukunan ng kapangyarihan
ay ang bawat isa nitong mamamayan.
Kay daling nakalimutan, ang dating ipinaglaban
Kaya, nadaganan na naman
Ang batang gutom ang panggising,
parehong pangangasim ng sikmura
ang ipinanghehele sa pagtulog sa gabi,
Ang magsasakang panalangin ang isinasabay
sa walang katiyakang pamumunga ng bawat punla,
Ang kayod-kabayong mama na maghapon man
ang pangangapa sa pagbabanat ng buto’y
lansangan pa rin ang uuwian,
Ang inang gaano man kalawak ang karunungan
sa mga pamamaraan sa pagtataguyod ng pamamahay,
walang pa ring maihain sa sahig na s’yang mesa
tatlong beses sa ’sang araw.
Kaya, nakakapagtataka maililibing na naman ba
ang kamalayan sa kasuklam-suklam na kasalukuyan?
binasa sa Baboy: Ato Kini! sa Turtle’s Nest, Cebu
—
JM Cortes Acut from Cagayan de Oro has been a fellow for fiction at the 1st Xavier University Writer’s Workshop and at the 8th IYAS Creative Writing Workshop.