Boni
Sa pagpreno ng tren ay hindi sinasadyang nasagi ni Can’t Deny ang braso ko. Kadalasan ay ayaw kong nadadampian ng balat ng ibang tao. Hindi ko talaga gusto ang ganoong pakiramdam. Pero sa pagkakataon na ito ay hindi ko siya ininda.
Kung kanina ay hindi ko maalis ang pagkakatitig ko sa kanya, ngayon naman ay hindi ko na maiangat ang aking mga mata kay Can’t Deny. Sapat na ang maramdaman ko siya sa aking tabi, at ang panakanakang paglanghap ko sa kanyang pabango.
Huminga ako nang malalim. Biglang pumasok sa aking diwa ang sabi-sabi na: kapag pinigilan mo ang iyong paghinga habang patawid ng tulay ay matutupad ang isa mong kahilingan pagdating mo sa dulo.
Kasabay ng pagtanaw ko sa Ilog Pasig, ang biglaang pagnanasa na makasama ko si Can’t Deny sa ilalim ng sikat ng araw.
Guadalupe
May matandang babaeng pumasok sa tren sa estasyon ng Guadalupe. Hindi pa man ganap na nakalalapit ang matanda ay tumayo na si Can’t Deny at inalalayan ito.
“Dito na po kayo, Lola,” sambit niya sa matanda. Saka siya humawak sa handrail at tumayo sa harap ko.
Hindi naman talaga ako palakaibigan, lalo na kung nagiisa lang ako. Ewan ko kung anong engkanto ang sumapi sa akin nung araw na iyon. Tumingala ako at ngumiti kay Can’t Deny. Nang ginantihan rin niya ako ng ngiti, sumirko ang engkanto sa dibdib ko.
Buendia
Nangalay na ang leeg ko sa pagtingin sa labas ng bintana. Hindi ko na kasi kayang tumingin ng diretso, at ayoko din naman yumuko. Parang hindi rin tama na pumikit ako.
Naghahalo ang amoy ni Can’t Deny at ang pabango ni lola.
Kasabay ng paglabas ng tren mula sa lagusan at sa biglang pagliwanag ng paligid, ay naramdaman kong nanginig ang cellphone kong nasa bulsa. Mabilis kong binasa ang mensahe, sumagot sa kausap, muling ibalik ang telepono sa bulsa, sumulyap kay Can’t Deny, makitang nakatanaw din siya sa akin, mataranta, at muling magpanggap na interesado ako sa mga tanawin sa labas ng tren.
Ayala
Bumaba sa estasyon ng Ayala ang mga katabi ni lola.
“Maupo ka na dito, iha,” alok ng matandang babae habang nilalagyan niya ng puwang ang pagitan naming dalawa. Ngumiti ni Can’t Deny at umupo sa tabi ko. Tumambad sa aking paningin ang tenga niyang may tatlong ganador na hikaw.
Para sa akin ay nilikha ng Diyos ang tenga ng tao upang masabitan ang mga ito ng templo ng salamin sa mata ng mga malalabo ang paningin. Pero namangha ako sa tenga ni Can’t Deny. Kung may paligsahan ng pinakamagandang tenga ay siguradong panalo na siya.
Muli kong naramdaman gumalaw ang cellphone ko sa aking bulsa. Siguro ay sumagot na yung kausap ko. Nilingon ako ni Can’t Deny. Malamang ay naramdaman din niya ang pagnginig ng telepono ko.
“Excuse me,” sabi ko habang nangangatog ang kamay kong dumako sa bulsa ng pantalon kong halos nakadikit na sa maong ni Can’t Deny.
“Ok lang,” sagot niya. Muli, binasa ko ang mensahe at daling sumagot. Hindi ko na ibinalik sa bulsa ko ang cellphone. Para kasing nag-alangan ako kay Can’t Deny kung sakaling manginig muli ito. Yun nga lang, naawa ako sa telepono kong maliligo sa pawis ng aking kamay.
Magallanes
Tuluyan nang lumuwag ang tren pagdating sa estasyon ng Magallanes. Ngumiti pa si lola sa aming dalawa bago siya bumaba. Walang umupo sa pwestong binakante ng matanda, pero hindi din naman umurong sa pagkaka-upo si Can’t Deny. Nanatiling magkadikit ang mga binti namin. Hindi rin ako makagalaw.
Ewan ko ba. Nalasing na rin yata ako sa bango niya.
Biglang tumunog ang cellphone ng isa sa mga pasahero ng tren at ang ringtone nito ay yung kantang “Ipagpatawad Mo.” Hindi ito sinasagot nung pasahero kaya animo’y ito ang naging soundtrack ng mga natitirang sandali ng paglalakbay namin ni Can’t Deny.
Hawak ko pa rin ang telepono ko. Hindi pa sumasagot ang kausap ko sa kabilang linya.
Taft
“Taft Station. Taft Avenue Station. Huling estasyon na po. Paki tignan po ang inyong kapaligiran at baka may mga gamit kayong naiwan.”
Ganap nang tumigil ang tren at tinungo ng mga pasahero ang pintuan. Halos sabay kaming tumayo ni Can’t Deny, lumabas, at sumakay sa escalator. Sinubukan kong maglakad nang matulin para mauna ako sa kanya dahil ayokong isipin niyang sinusundan ko siya. Pero nanatili siyang nasa unahan ko lalo pa’t isinukbit ko sa aking harapan ang aking backpack. Magkasunod rin kami sa pila para mag-swipe ng card palabas ng estasyon.
Medyo bumagal ang kanyang paghakbang papunta sa hagdang katabi ng isang hotel. Hinugot niya ang kanyang cellphone at mabilis itong pinindot-pindot. Nakita ko siyang lumingon, tumingin sa akin, ngumiti at muling isinuksok ang telepono sa bulsa, bago niya tuluyang tunguhin ang pupuntahan nang hindi nagmamadali.
Sinundan ko pa siya ng tingin hanggang sa namalayan ko ang patuloy na pagnginig ng cellphone ko. May tumatawag sa linya ko. Sinagot ko ang tawag at mabilis ko din naman tinapos ang aming pag-uusap.
Muling sinuyod ng aking paningin ang paligid ngunit nawala na si Can’t Deny. Natabunan na siya ng mga tao na nasa loob ng estasyon ng MRT. Sandali akong natigilan at tinanggap ang katotohanang hindi ko na siya makikitang muli.
Inumpisahan ko na siyang burahin sa aking alaala, ngunit sumiksik pa din si Can’t Deny sa mga sulok-sulok ng aking diwa, kasama ng mga iba pang mga imahinatibong galak.
Saka ko tinungo ang himpilan ng shuttle bus na bumibiyahe papuntang NAIA Terminal 3. Dito ko susunduin ang nobyo kong manggagaling pang Davao City. Sabay kaming lilipad papuntang Singapore para sa aming ikatlong taong anibersaryo.
Malilimutan ko rin siguro si Can’t Deny, kagaya ng ginawa kong paglimot sa iba pang mga babaeng nagpasaya sa akin, kahit saglit lamang. Silang mga babaeng dumaan na parang tren sa buhay ko, na nahaging ko lang ang bango, at hindi sinasadyang nayapos. Mga babaeng pilit ko pa ring binubura sa aking diwa’t isipan.
—
Si Binibining Gadong ay isang guro sa lungsod ng Iloilo, kung saan nagsusulat siya ng mga maiikling kwento at mga sanaysay sa wikang Ingles at Filipino.