Konduktor

Play by | August 5, 2012

Mga Tauhan:

Kaloy: Isang konduktor sa terminal ng jeep. 18 years old na binata. Payat. Ang suot niyang t-shirt at shorts ay nababahiran ng grasa. Makakaaway niya si…

John: Pasaherong uupo sa front seat. Mas malaki ang katawan kumpara kay Kaloy. Mayaman ang porma niya. Mayabang umasta. Kaaway ni Kaloy at ni…

Manang: Isang matandang galing grocery.

Tagpo:
Ang tagpo ng istorya ay sa isang terminal ng mga jeep.

(Bubukas ang telon kasabay ang pagtugtog ng background music na parang nasa terminal ng jeep. Papasok mula sa kaliwa si Kaloy. Mayroong multicab-jeep [sideview]sa background. Sa loob ng jeepney ay may mga nakaupo na.)

Kaloy: O kayo diyan! Maam! (sabay turo sa isang manonood na babae)

Dito po, lalarga na! Sasa, Sasa, Panacan, Tibungco, Lanang! Sasa, Sasa –

O boss dito o. (sabay gabay sa isang lalake papunta sa likod na pasukan ng jeep)

O, O, O! Paki urong naman diyan! (papaluin ni Kaloy ang kilid ng jeep) Paki urong para makaupo si bossing! O, O, O! (papaluin nanaman ang jeep)

(Habang pinapaurong ni Kaloy ang mga tao sa loob ng jeep ay papasok si John mula sa kanang bahagi ng entablado. Sasakay siya sa front seat ng jeep. Maglalagay siya ng headphones sa ulo niya at makikinig ng musika.)

Kaloy: Sasa, Sasa, Panacan, Lanang! Miss, pwede pa o, Sasa ba Sasa? (magtatanong si Kaloy sa isang babae mula sa manonood)

Ser! Lanang? (magtatanong si Kaloy sa isang lalake sa mga manonood) Tibungco? Bakante pa doon o.

(Magmumukhang pagod si Kaloy. Iikutin niya ang tuwalyang dala niya para magpahangin. Papasok ang isang matandang babae mula sa kanan ng entablado; may daladalang punong grocery bag. Kukuhitin ng matanda ang likod ni Kaloy. Lilingon si Kaloy sa matanda.)

Manang: Daraan ba to sa Damosa?

Kaloy: Aba! Opo! Tutulungan na po kita ‘nay. Sa taas ko nalang ‘to itatali.

Manang: Nako. Salamat. Pagpalain ka. Iho, pwede sa harap ako?

(Pupunta si Manang sa front seat. Bubuhatin ni Kaloy ang grocery bag ni Manang. Ipwepwesto niya ang mga bagahe sa taas ng jeep.)

Manang: Iho, excuse me, pero, pwede lumipat ka sa likod?

(Hindi lilingunin ni John si Manang.)

Manang: Iho?

(Tatapikin ni Manang ang balikat ni John. Papansinin ni John si Manang sabay tanggal ng headphones.)

John: O, ano?

Manang: Iho, pwede ba’ng sa harap ako uupo? Tutal, binata kapa, sa likod ka nalang maupo.

John: Nagbibiro ka ba? (tatanggalin ni John ang shades niya). Nagbayad na ako sa drayber kaya may karapatan akong maupo rito.

Manang: Hindi ka ba naaawa sa akin? Tingnan mo o. Kulubot na nga ang aking balat, pakukulubutin mo pa dahil pasisiksikin mo ako sa likod?

John: May mga matanda rin namang sumasakay sa likod kahit na bakante ang front seat.

Manang: Ibahin mo yun sila. At isa pa, kanina pa nangangawit ang mga tuhod ko.

John: Nangangawit din naman ang mga tuhod ko!

Manang: Pero I –

John: Ah basta! Nagbayad na ako kaya pwede akong umupo sa harapan!

(Isusuot muli ni John ang shades at headphones. Magmumukmok si Manang habang papunta sa likod ng jeep. Lalapitan ni Kaloy si Manang)

Kaloy: O, ‘nay, ano po’ng problema?

Manang: Eh apo, may bastos na binatang nakaupo sa front seat.

Kaloy: Ah, ganun po ba? Teka lang po.

(Pupuntahan ni Kaloy si John)

Kaloy: Ser.

(Hindi papansinin ni John si Kaloy)

Kaloy: SER!

(Mapuwersang tatapikin ni Kaloy si John. Galit na tatanggalin ni John ang headphones at shades niya. Matapos ay lilingunin niya si Kaloy.)

John: Ano ba’ng problema mo?!

Kaloy: Ser, di porke’t binayaran mo na ang inuupuan mo ay di ka na mapakiusapan ng matanda.

John: Sino ka ba’t sumasali ka sa usapan naming ng matandang iyon?! konduktor ka lang naman ah!

(Mapangiti si Kaloy)

John: O, ano?! Anung nginingiti mo –

(Susuntukin ni Kaloy si John sa mukha pero bahagya lang ang matatamaan. Si Manang ay matataranta at hahawak sa railings sa likod ng jeep. Patuloy na susubukang suntukin ni Kaloy si John mula sa labas ng jeep. Matapos ang ilang segundo’y sisipain ni John ang pintuan ng front seat. Tatalbog si Kaloy sa lupa. Lalabas si John at maghahanda para makipag-away.

John: Tayo!!

(Tatayo si Kaloy mula sa lupa. Susugurin niya si John. Mag-aaway sila pero mapapatalbog muli ni John si Kaloy. Matapos mapatalbog ay lalapitan ni John si Kaloy. Kakapit si Kaloy sa mga paa ni John habang pinipilit na itayo ang sarili.)

John: Tingnan mo nga sarili mo! Alam mo namang wala kang kalabanlaban sa isang tulad ko!

(Sisipain ni John si Kaloy pababa. Patuloy sa gugulpihin ni John si Kaloy.)

Manang: Tama na! Tama na! Tama na!

(Lalapitan ni Manang si Kaloy habang sinasabi ang mga linyang iyon nang paiyak. Yayakapin ni Manang si Kaloy.)

John: Umalis ka nga diyan, lola! Baka madadamay ka pa! Kailangan ko’ng ipaalala sa konduktor na ‘yan kung san siya nabibilang!

(Aawatin ni John si Manang pero natulak siya palayo ni Manang)

Manang: Sino ka ba para magawa ‘to sa konduktor na ito? Dahil ba’y mas mayaman ka ay magagawa mo na kung ano ang gusto mo? Dahil ba’y mas edukado ka, mas magara ang suot, mas lamang sa kanya’y magagawa mo na siyang saktan? Tao ka rin diba? Saan ba ang respeto mo sa iyong kapwa?!

(Mapapakalma si John. Hindi siya makaimik. Wari’y nakapatay siya ng kapwa.)

Manang: At isa pa! Saan na ang respeto mo sa mga matatanda? Hindi naman kita pinuwersa na umupo sa likod diba? Nakiusap lang ako. Pero anong ginawa mo? Sinigawan mo ako at pinakain sa akin na binayaran mo ang inuupuan mo!

(Mananatiling tahimik si John. Magpalipas ng di umabot isang minuto. Tanging ang pag-iyak ni Manang ang maririnig. Titigil sa pag-iyak si Manang.)

Manang: O siya, mapapatawad kita iho. Makipagbati ka na sa kanya. Ipatayo mo siya.

(Aalis si Manang mula kay Kaloy. Iaabot ni John ang kamay niya kay Kaloy. Hahawakan ni Kaloy ang kamay ni John.)

Kaloy: Uggghhh… Walang hiya ka!!

(Hihilahin ni Kaloy pababa si John. Tatalbog si John sa sahig. Muling sisimula ang kanilang away.)

(Mahihimatay si Manang.)

(Sisirado ang telon habang patuloy ang away nila Kaloy at John)


Alfred is a student of Ateneo de Davao University.

2 thoughts on “Konduktor”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.