Nagising ako. Nanibago ako sa oras. Sinilip ko ang wall clock. Alas-tres ng umaga. Tahimik ang buong bahay ngunit di ako payapa.
Itinodo ko ang ikot ng electric fan at itinutok sa akin. Muli akong nahiga. Ipinikit ko ang aking mga mata. Alam kong ayoko nang bumalik sa pagtulog.
Ito ang unang umaga ko sa bahay namin nang ako ay mag-Saudi tatlong taon na ang nakalipas.
“Nagmata na man lagi ka,” narinig ko ang boses ni Mama. “Sayo pa kaayo”.
Kilang-kilala pa rin niya ako. Alam niyang gising ako kahit nakapikit.
“Nabaghuan lang ko sa oras,” ang sagot ko.
“Gusto nimo ug kape?”
Bumangon ako. Pero nauna na siyang kumuha ng tasa. Hinintay ko na lang ang pag-abot nya sa itinimplang kape para sa akin.
“Tama lang ba ang timpla?”
Nalanghap ko ang masarap na aroma ng kape.
“Wala ako magdahom na mouli ka karon,” wika niya habang abala sa kusina.
Alam kong hindi nila inaasahan ang aking pag-uwi. Hindi ako tumawag para ipaalam ang aking pagdating o di kaya ay hihiling na salubungin ako sa airport. Kusa ko lang binalikan ang daan pauwi.
Napansin ko sa sulok ang mga koleksyon kong libro. Nagkapatong-patong. Ang iba ay nakakahon. Meron ding nasa loob pa ng drum. Magulo. Maalikabok. Tila mga bangkay na nakasalansan sa isang mass grave.
Noon pa man mahilig na akong mangoleksyon ng libro. Ang iba ay regalo sa akin ng mga kakilala’t kaibigan. Di ko lahat nababasa. Tama na sa akin na makita sila. Mahalaga nahahawakan ko sila. At aking pag-aari.
Inabot ko ang garapon. Binuksan at dinagdagan ng kape ang hawak kong tasa.
Ngayon, mas nalasahan ko ang pait.
—
Jack Alvarez, born in CDO, is a proud OFW based in Jubail, Saudi Arabia. His first book of flash fiction, “Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga” will be published in 2012. He is a founding member of Dapitdilim Fellowship of Writers and was a fellow at the 9th UST Creative Writing Workshop.