Sweet Kape

Play by , | March 25, 2012

Character: Carlota, 37 years old, architect, married
Setting: A café at a mall—one table with a seat for the main character and another empty chair. Mellow instrumental music plays at the background.

The scene begins with Carlota coming into the coffee shop. She puts her things on a table in a corner – her handbag, tracing paper tube, and laptop – and fixes herself up. She is wearing a pair of blue jeans, polo shirt, eyeglasses, a wristwatch, and rubber shoes.

Carlota: Waiter! One cappuccino with whipped cream, please. Wala? O sige, iced skinny mocha with extra coffee jelly. Wala din? Espresso na nga lang.

Naku! Alas-kwatro na. Wala pa rin yung kliyente ko. Filipino time pa rin talaga. Lahat naman sila eh. Muntik na nga akong mag-overspeed kanina sa may Bajada sa pagmamadali. Buti na lang binagalan ko ang pagtakbo ng Vios ko kung hindi, mahuhuli na sana ako nung isang traffic enforcer. Paano naman kasi, naipit ako sa isa ko pang meeting dun sa aming firm. May gustong kumontrata sa amin. Mga Duterte daw. Pero umalis naman ako after fifteen minutes kasi nga makikipagkita pa ako kay Mrs. Santos, yung kliyente ko. Gustong-gusto ko na kasi talaga ipakita sa kanya yung plan ng kanyang gustong ipatayong bahay. (Takes out a sheet of tracing paper from its plastic storage tube and shows it to the audience) Medyo nahirapan ako dito. Isipin mo ngang gawan ng bahay ang 100 square meters lang na lote, tapos umbok-umbok ang lupa, tapos triangle pa talaga! Pero nagawan ko naman ng paraan. Kitang-kita naman sa resulta di ba? (She returns the tracing paper back to its storage) I’m a woman who loves a good challenge. Lalung-lalo na sa trabaho ko. Sabi pa nga ng tatay ko sa akin nung bata pa ako,

(in father’s voice): Carlota, anak, ang galing mong gumuhit!

CARLOTA: Kasi nga nahuli ako ni tatay isang araw na ginagaya sa bond paper ang kanyang drafts. Sagot ko naman,

Gusto ko kasing maging katulad mo balang araw, ‘Tay!

Father: Ang ano? Ang maging ama?

Hindi po! Ang maging architect!

Hindi sumagot si tatay. Akala ko humihina na ang pandinig niya noon dahil sa edad niya, pero hindi naman pala. Nalaman ko na lang nung pag-gradweyt ko sa high school na hindi niya pala pinangarap para sa akin ang buhay ng isang architect. Nung pumasa ako sa UM, kinausap ko si tatay, sabi ko, gusto ko ‘tong kursong ito. Si nanay naman, (mimics her mother) “Go for the gold, anak!” Kasi siya rin daw noon, gustong maging architect. Pero mas biniyayaan daw siya ng Maykapal sa mga gawaing pambahay kaysa sa pagguhit. Parang tuloy, mas naiintindihan ako ni nanay. Ewan ko ba kay tatay, ba’t di niya maintindihan ang mga dahilan ko. Para sa akin kasi, ang pag-design ng mga bahay at istraktura ay isang napaka-interesanteng gawain na kapag nagawa mo nang maayos ay para bang… the world is a better place. Kasi hindi ka lang nagpapasaya sa mga taong nagpagawa sa iyo ng tirahan nila, nagkakaroon ka rin ng isang uri ng contentment sa buhay. Yun ang sabi ko kay tatay pero, ayaw pa rin niyang pumayag. Kasi raw, hindi pambabae ang trabaho ng isang architect; panlalake lang. At saka, kung hindi ka daw magaling maliit lang ang kikitain mo kasi konti lang ang kukuha sa iyo. Ayun, na-challenge talaga ako. Ipinagpatuloy ko ang kurso kahit na pinagsabihan na ako ni tatay. Sa tulong sa isang scholarship na natanggap ko at sa suportang pagmamahal na ibinibigay sa akin ni nanay, nakapagtapos din ako sa wakas—at with honors pa.

Teka, asan na ba yung kape ko? Baka kasi bigla lang akong antukin kapag kinakausap ko na si Mrs. Santos. Alam mo naman, ang hirap talaga kapag tinatamaan ka ng antok. Kaya inom lang ako ng inom ng kape ever since my architecture days in UM. Sabi pa nga nila, normal lang iyon para sa isang architecture student o architect mismo na magkaroon ng ilang gabing walang tulog. Pero, hindi naman parati dahil sa pag-aaral o trabaho ang laging rason ko ng pagkakaroon ng sleepless nights. Natatandaan ko tuloy nung unang nakilala ni tatay si Anthony. Sabi pa nga niya sa akin,

Father: O kita mo na. Pumili ka kasi ng tulad mo kaya nahihirapan ka lalo.

‘Tay naman. Engineer po si Anthony, hindi architect. At saka, sino po naman ba ang may sabing nahihirapan ako lalo? Pasalamat nga ako sa Diyos na nahanap ko ang isang tulad niya.

Father: Ah basta, siguraduhin mo lang na di ka magagaya sa mga ate mong nabuntis at nag-asawa nang maaga.

Natupad ang hiling ni tatay na hindi ako mabuntis at mag-asawa ng maaga. In fact, fourteen years muna ang dumaan bago pa nangyari ang kasal. Ang saya ng buhay kasama si Anthony! Mabait siya, malambing, mapagmahal at magaling siyang kapartner—sa trabaho, halimbawa! Engineer kasi. Hindi ba’t siya naman talaga ang dapat na kasama ng isang architect sa isang proyekto? Bilang architect, ako ang nagdi-disenyo ng mga bahay at siya naman, bilang engineer, ang dapat maniguradong tatayo ang mga ito. Perfect combination nga daw. Pero, yun din ang akala ko sa simula. Habang tumatagal, parang lalo pumapait. Hindi ko sinasabi kahit kanino ang katotohanan tungkol sa aming dalawa ng asawa ko kasi ako mismo, hindi ko alam kung ano talaga ang nangyayari. Nung isang gabi, nagkaroon ako ng lakas ng loob na kausapin si Anthony,

Hon? May problema ba?

(in Anthony’s voice): Bakit mo nasasabi iyan?

Pansin ko lang kasi, hindi na tayo masyadong nag-uusap gaya noon.

Anthony: Eh, paano naman kasi, parati mo na lang iniisip ang mga kliyente mo. Si Mr. Lim, si Mr. Tan, si Mr. Hong—

Ikaw naman din, Anthony, mga kliyente mo na lang ang kasama mo, hindi ba?

Anthony: Mga kliyente? Anong mga kliyente’? Kung alam mo lang na—ay, wala, wala. Matulog na tayo. May trabaho ka pa bukas.

Hindi ko na tinanong pa si Anthony tungkol dun. Nalaman ko na lang na nag-apply pala siya for transfer sa Manila branch ng kanilang firm. May pinakita kasi siyang mga papeles na kinakailangan ng signature ng asawa para ma-aprubahan na ng manager nila sa Manila. Aba, nainis talaga ako nun! Ikaw nga, pakitaan ba naman bigla ng mga papeles na ganun na ni hindi ka pa nga sinasabihan na may balak pala siyang lumipat ng opisina, lumipat ng lugar. Busy daw ako sa trabaho’t kliyente. Animal na lalake. Hindi niya naisip kung gaano kahirap ang mamuhay sa Manila, at para saan? Para makakuha ng mas maraming kliyente kaysa sa akin? Kasalanan ko ba ‘yon? Ang kliyente ang pumipili sa akin. At saka, hindi ba niya naisip si Carlo? Ang bata-bata pa ni Carlo para iwan ng kanyang tatay. (mimics Anthony) “Eh, Uuwi-uwi naman ako dito, hon.” Bakit, mababawi niya ba ang mga oras na hindi siya kapiling ng anak niya’t asawa? Paano nga si Carlo? Five years old pa lang siya! (mimics Anthony again) “Eh, masasanay naman iyan si Carlo. Tutal, nandiyan naman yung yaya niya para alagaan siya’t aliwin.”

Waiter! Ang kape ko? Paki-follow up nga! Pag-alis ko sa bahay kaninang umaga, nakalatag pa rin ang mga papeles ni Anthony sa drafting table ko sa bahay. Akala siguro niya pipirmahan ko yun. Manigas siya. Hirap nga akong humanap ng oras para kay Carlo, tapos pati siya poproblemahin ko para hindi lalong mawalan ng magulang ang anak namin. Iniisip ko pa nga ‘yung nangyari last week:

(in Carlo’s voice): Mommy, can you go with me to school tomorrow?

Anak, mommy has a lot of work to do in the office. Nandiyan naman si Yaya Inday, di ba?

Carlo: Ayoko si yaya, mommy! Gusto ko ikaw! Please, mommy, please?

Hindi na ako nakatanggi kay Carlo kasi ako rin mismo, gusto ko rin siyang makasama. Kaya naman, nung pumayag ako, tinawagan ko si Mrs. Santos at hiningi kong ikansela muna ang una naming pagkikita. May importanteng-importante muna kasi akong dapat gawin. Bilang ina.

(She sees her order on the counter and stands up to get it) Hay salamat, dumating na rin sa wakas! (Starts opening the sachets of creamer and sugar; she puts in too much sugar into her drink without noticing it as she is lost in her contemplation) Nakakatuwang isipin na sa lahat ng mga dahilang binigay ni tatay para hindi ko kunin ang Architecture, hindi niya naibigay ito—ang pagsasakripisyo ng oras para sa pamilya alang-alang sa trabaho. Alam siguro ito ni tatay, nakita ko rin naman sa pamilya naming ang mga sakripisyo niya. Ang lahat kasi talaga, may kapalit. Pero, hindi ko pa rin maisip ang buhay kung hindi ko pinili at pinilit ang maging isang architect. Nang dahil sa trabahong ito, nasusustentuhan ko ang pang-araw-araw na pangangailangan ni Carlo, pati na rin namin ni Anthony. Nabibili ko rin yung mga gusto ko! Tulad nung nakalipas lang na buwan, I was able to buy my dream car. Oo nga pala, dapat magsimula na akong mag-ipon para sa vacation sa Singapore kasama sila Carlo at Anthony! (Smiles and then frowns) Hay, hindi na talaga nagpakita si Mrs. Santos. Baka nakalimot ulit. I’ll just call her to reschedule. (Retrieves her cellphone from her bag, and sees two unread text messages)

May text galing sa opisina. Pinapabalik na daw ako sa meeting, ASAP. Nag-text din pala si Inday. Nilalagnat si Carlo. Sabihan ko na lang na painumin ng gamot kasi may aasikasuhin pa ako sa opisina. (Finally takes a sip of her espresso) Ay, ano ba ‘yan! Sobrang tamis! Waiter!


Braceros and Como are taking up BA English-Creative Writing in UP Mindanao.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.