Tuldok ng Isang Guro

Nonfiction by | October 17, 2010

Tandang – tanda ko pa ang paboritong itanong ng aking mga guro noong ako’y nasa elementarya pa lamang. Tanong na paulit – ulit pinagagawan ng isang sanaysay sa aming mga mag-aaral lalo na pag umpisa ng pasukan, o di kaya’y wala nang maisip pang ituro ang guro o di kaya’y pagod ang kanyang lalamunan sa pagpapaliwanag ng kung anu-ano.

Ang tanong na: Ano ang gusto mong maging paglaki mo? At bakit?

O, di ba napaka simpleng tanong pero gugugulin na ng mga mag-aaral ang kanilang buong oras sa pagbuo ng komposisyon tungkol dito. Kung minsan pa nga ay magiging takdang -aralin pa dahil sa hindi matapus-tapos ang komposisyong ginagawa sa klase.

Ito ang tanong na paulit-ulit ko ring sinagot sa aking mga komposisyon. At ito ang kadalasang mababasa ng aking guro sa aking sulating pangwakas:

“Ako ay si Ruel Soriano. Paglaki ko ay gusto kong maging isang tanyag na guro. Gusto kong maging isang guro para matulungan ko ang mga kabataang maabot ang kanilang mga pangarap at para matulungan ko rin ang mga mahihirap na bata na makapag-aral at matutong bumasa at sumulat. ”

Pambungad na pangungusap pa lamang yan. Ang mga susunod pang mga paliwanag ay kung paano mo maabot ang pangarap mo at kung ano ang kasalukuyan mong ginagawa para maabot ito. Pipigain mo talaga ang utak mong magsulat dahil kinakailangang umabot ka ng isang-daan at limampung salita at hindi bababa sa tatlong talata.

Noon, akala ko ay sinusulat ko lamang iyon dahil sa tingin ko iyon ang pinakamagandang isulat para naman maramdaman ng aking guro na marami palang humahanga sa kanyang napiling propesyon. Sinusulat ko ‘yon para ganahan ang aking guro sa pagtuturo at syempre mataas rin ang makukuha kong marka sa aking komposisyon, dahil pumapanig ako sa kanyang pananampalataya bilang isang guro.

Ngunit, hindi ko alam kung talaga nga bang sinubok ng tadhana ang aking mga salitang sinulat sa komposisyong iyon. Dahil paglipas ng mahigit lalinlimang taon buhat ng isulat ko ang aking huling komposisyon tungkol sa tanong na iyon ay heto ako at nakatayo sa harap ng maraming mag-aaral at nagtuturo! Oo, tama ka, isa na akong guro ngayon. Siguro nga talagang sinubok ang aking katapatan sa aking sulating pangwakas.

Subalit kagaya ng pagtitiis ko upang buuin ang aking sulatin, ay ganoon din ang aking pinagdaanan upang masungkit ang aking diploma sa pagiging guro. Maraming pagbubura ang aking ginawa sa aking buhay. Maraming pag-aalinlangan kung anong tamang bantas ang dapat na gamitin sa bawat landas na aking tinahak. Maraming beses rin akong napagod at muntik nang sumuko sa pagitan ng bawat talata ng aking buhay. Subalit nagpatuloy ako. Ipinagpatuloy ko kahit na minsan ay nawawalan na ng tinta ang aking ipinaglalaban. Inisip ko na kahit na anong mangyari ay dapat kong tuldukan ang aking sinimulan. Hindi kuwit, hindi tuldok – kuwit, at lalong hindi tandang pananong ang wakas. Kinakailangan ay TULDOK!

At natupad nga naman, naging guro ako. Akala ko puwede ko nang tuldukan, hindi pa pala. Akala ko tapos na dahil hangang dito lang naman ang aking sulating pangwakas, hindi pala. Magsisimula pala ang panibagong yugto ng pagsusulat. Mas mahaba, mas masalimuot na pagbubuo. Hindi na talata ang hinihingi sa pagkakataong ito, kundi mga kabanata na at maraming tauhan na ang pumapasok sa bawat eksena.

Ang sabi ko magiging guro ako para matulungan ang mga batang mahihirap na matutong bumasa at sumulat. Pero bakit ang mga mag-aaral ko ngayon ay mas magaling pa sa akin sa paggamit ng kompyuter? Mas malaki pa ang kanilang mga baon sa loob ng isang buwan kaysa sa aking sinasahod. Kung tutuusin ‘di hamak na nakaririwasa sila sa akin. Ito ba ang aking mga pinangarap? Naging tapat ba ako sa aking komposisyon? Ito na ang mga halimbawang komplikadong tanong na pilit kong hinahanapan ng mabisang kasagutan upang mapayapa ang aking kalooban. Pero kung iisang anggulo lamang ang aking titingnan ay masasabi kong hindi ako naging tapat. Kaya hindi ko binura ang aking inumpisahan. Pinili kong magpatuloy sa aking paaralang pinapasukan. Sa paglipas ng isang taong pagiging guro sa isang pribadong paaralan ay natuklasan ko ang mga kasagutan. Ang kasagutan na tama ang aking pagpapatuloy. Ang kasagutan na kinakailangan ako ng mga batang aking minahal at tinuring na parang mga kapatid. Kasagutan na hindi man sila nagdarahop sa buhay ay kinakailangan nila ako sa iba pang aspeto. Na mas kinakailangan nila ang aking pang-unawa at pagmamahal na inaasam nila. Maaring hindi ito diretsang kasagutan sa aking mga tanong pero ito ang mga pinanghahawakan kong dahilan sa ngayon upang ipagpatuloy ang kabanatang ito.

Sa aking pagiging guro ay natuklasan ko ang lihim sa propesyong ito. Naisip ko, naging madaya ang aking guro sa elementarya. Hindi niya sinabi sa akin na mahirap pala ang pinapangarap ko noon. Hindi niya man lang ibinahagi sa akin ang kanyang pinagdaanan noong binabasa niya ang aking sulatin. Ngayon ko napagtanto ang hirap at sarap sa pagtuturo. Masarap dahil alam mong nagiging bahagi ka ng bawat tagumpay ng iyong mag-aaral. Nakikitalon ka sa bawat pagwawagi nila. At nakikipaglaban ka rin sa tuwing napapahamak sila. Ang masakit ay dahil alam mong pagkatapos ng sampung buwan ng inyong pagsasama ay aalis sila. Maiiwan ka at maghihintay ng mga panibagong mukha na uupo sa iyong harapan. Masakit dahil sa loob ng inyong pagsasama ay hindi mo sila ituturing na basta mag-aaral lamang. Hindi kagaya sa bangko na pagkatapos makuha ang tseke ay alam mong tapos na ang lahat. Sa paaralan hindi ganito. Ituturing mo silang mga kapatid o anak mo na kailangan mong turuan dahil gusto mong magtagumpay sila. Kapatid mo sila at kaibigan dahil alam mong kinakailangan nila ng maiiyakan sa bawat kabiguan at suliranin nila. Ang lahat nang ito ay hindi ko nakita at naisip habang sinagagot ang tanong sa aking sulatin.

Sa ngayon ay hindi ko pa alam kung paano tutuldukan ang kabanatang ito ng aking buhay. Hindi ko alam kung sino pa ang mga panibagong tauhan na papasok sa mga susunod na eksena. At lalong hindi ko alam kung hanggang anong kabanata at ano ang magiging “twist” sa bandang huli. Ang alam ko lang, hangga’t may tintang dumadaloy sa aking panulat, ay patuloy akong gagawa ng marka sa aking buhay, sa aking kapwa, at sa mundo.

—-
Si Ruel Soriano ay nagtuturo sa Ateneo de Davao University.

4 thoughts on “Tuldok ng Isang Guro”

  1. NAKU SALAMAT PO SA INYO….NAPAKALAKI NG NAITULONG NYO SA AKIN ,PARA KASING AKO NA YUNG NAGSABI NG LATHALAIN MO…..KASI BEST KO YUNG TITSER KO….WOW!NAPAKAGANDA TALAGA NG COMMENT MO SA LATHALAING ITO…ISA PO AKONG BATA NA PROUD TO BE STUDENT AT PROUD FOR ALL TEACHERS NA NAGSASACIFICE….

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.