Ang kahalagahan ng panitikan ay animo’y walang katapusang daloy ng tubig sa batisan sa bawat panig ng mundo lalo na dito sa ating bansa. Ito ay mamamatay lamang kung ang mga nakalimbag na titik ay mawawala sa daigdig at kung ang mga manunulat ay wala nang kakayahang magpahayag ng kanyang damdamin at isipan.
Maaaring mawala ang mga imbensyon, ang mga kaunlarang materyales dito sa ibabaw ng mundo gayundin ang diwa ng nasyonalismo, ngunit hindi mawawala’t mawawasak ang tunay na diwa at kaluwalhatian ng panitikan.
Sa unang mga pahina ng kasaysayan ng daigdig ay hindi kailanman nakilala ang Latin na siyang wika ng Italya. Ngunit nang isulat ni Dante Alighieri ang Divina Commedia ay nakilala ang Latin sa daigdig at nagbigay karangalan sa Italya. Latin ang unang wika ng Inglaterra, ngunit napalitan ito sa Ingles nang isulat ang Canterbury Tales ni Goeffrey Chaucer at nabasa ito ng daigdig. Ang bansang Gresya ay naging tanyag dahil sa mga kilalang pilosopo, artista, at sa kanyang lliad at Odyssey ni Homer, The Republic ni Plato, ang tanyag na pabula ni Aesopo, at marami pang iba na sadyang nagbigay-buhay sa larangan ng sining.
Sa ating bansa, si Gat. Jose P. Rizal ay sumulat din at gumamit ng sandata hindi tabak kundi isang panulat upang gisingin ang mga Pilipino sa pagkaalipin sa ilalim ng mga Kastila. Nagising ang mga Pilipino sa kanyang mga nobela tulad ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo) na naging buhay at nanatiling lakas ng sambayanang Pilipino.
Bago pa man dumating ang mga kastila, ang panitikang Pilipino ay buhay na at ito’y nasa iba’t ibang anyo tulad ng alamat, kwentong bayan, sanaysay, salawikain, sawikain, bugtong, awit, palaisipan, kasabihan at mga tula. Nang tayo’y napasailalim sa mga Kastila, nagkaroon nang pagbabago at nag-iba ng anyo; ang mga paksa ay naging makarelihiyon, kaya naging fanatiko o (fanatic) ang mga tao. Ang dating makarelihiyong panitikan ay naging makabayan at mapaghimagsik dahil nagising na tayo sa makabayang damdamin nating mga Pilipino na siyang nagbukas sa isipan hanggang naunawaan na nila ang kalagayan ng ating bayan sa ilalim ng mga dayuhan.
Ito ay naging tulay sa puso ng ating mga manunulat, at maging buhay ay ibinuwis hanggang napukaw at naging hagdan ang panitikan tungo sa tagumpay at mga natamong adhikain. Kaya ang Pilipinong Panitikan ay di mawawasak at mamamatay kailanman.
—-
Si Jeepy P. Compio ay kasalukuyang mag-aaral sa Unibersidad ng Mindanaw sa korsong Batselyer sa Pag-aaral ng Pangsekundarya sa wikang Filipino.