Nangyari ang lahat sa loob lamang ng sampung buwan at isang linggo. Ngunit para kay Nico, ang maikling panahon na iyon ang maituturing niyang pinakamahalagang panahon sa buhay niya. Pagkat sa panahong iyon lang siya nagbuhos ng maraming luha, nagmahal ng todo at nawalan bigla. Batid niya pa rin sa kanyang puso’t isipan ang lahat-lahat ng nangyari sa maikling panahon na iyon.
Ang simula’y malabo pa. Pasukan noon at nasa ika-apat na taon na ng kolehiyo si Nico. Isa siya sa Top Three ng buong paaralan nila. Mahilig siyang kumanta at tumugtog. Sa katunayan, siya ang pinakamagaling tumugtog ng gitara sa buong kampus nila. Siya rin ang may pinakamagandang boses sa mga lalaki. Ngunit pagdating sa pag-ibig ay mahina si Nico.
Noon pa ma’y wala talaga siyang natitipuhang babae. Sabi pa nga ng isang kaibigan niya, “Nico, magbago ka na nga. Manligaw ka na. Huwag kang mag-alala, sa gwapo mong iyan siguradong makakarami ka na.” “Pero wala naman akong gustong ligawan eh,” sagot naman ni Nico. Pinipilit talaga siya ng mga kaibigan niya na manligaw na, para naman daw di masayang ang kagwapuhan pero ayaw pa rin ni Nico. Naniniwala kasi siyang darating din ang araw na may magugustuhan siyang babae, at ang babaeng iyon lang ang mamahalin niya habang buhay.
Nagkatotoo nga ang paniniwala ni Nico. Dumating talaga ang araw na iyon. At iyon ay ang unang araw ng pasukan. Pagpasok niya sa kampus, nalaman niyang may bago silang kaklase. Isang nag-ngangalang Alec. Ang akala niya’y lalaki si Alec, kaya laking gulat niya nang makitang si Alec pala ay isang babae. Ang totoo niyang pangalan ay Alexis Andrea Jane Gonzales. Alec lang daw ang gusto niyang itawag nila sa kanya.
Sa sandaling iyon ay tila nabaliktad ang mundo ni Nico. Noong malungkot ay naging masaya, noong walang kulay ay naging matingkad ang kulay. Unang tingin pa lang niya kay Alec, nabighani na siya sa kagandahan nito. Alam niyang si Alec na ang babae para sa kanya. Si Alec na ang babaeng matagal niya nang hinahanap.
Sa loob ng isang buwan, wala siyang ibang ginawa kundi kunin ang atensyon ni Alec. Ngunit hindi pa rin siya pinapansin nito. Kahit ano mang matino ang kanyang gawin. Kaya naisipan niyang kulitin si Alec upang papansinin talaga siya nito.
Nagtagumpay nga si Nico. Pinansin talaga siya ni Alec. Pero dahil kinukulit niya ito, kinamumuhian na tuloy siya nito. Isang araw, umaapaw na ang galit ni Alec kay Nico kaya hindi niya mapigilang mapagsabihan si Nico. “Ano ka ba talaga? Ano bang problema mo? Bakit ba palagi mo na lang akong kinukulit? Sira ka ba? Sa dami ng mga tao dito, bakit ako pa ang pinili mong kulitin? Tigilan mo na nga ako. Hindi ka nakakatawa.”
Simula noo’y mas iniiwasan pa ni Alec si Nico. Bihira na talaga silang magkita. Sa tuwing mag-abot man ang landas nila’y tatalikud si Alec at pupunta sa ibang direksyon. Malungkot na malungkot talaga si Nico. Nagsisisi siya na ganoon ang paraang pinili niya upang makuha lamang ang atensyon ni Alec. Ngunit hindi pa rin siya sumusuko. Alam niyang si Alec talaga ang babaeng itinadhana sa kanya.
Ilang buwan na rin ang nakalipas at Semestral Break na nila. Pupunta si Nico sa isang Discipleship Training sa loob ng isang linggo. Malungkot siya dahil hindi niya makikita si Alec. Lingid sa kaalaman ni Nico na pupunta din pala si Alec doon. Kaya’t laking gulat niya nang makita niya si Alec doon. Ubod ng saya ni Nico na makakasama niya pala sa Alec sa maikli nilang bakasyon. Lalo pang nadagdagan ang kanyang kasiyahan nang malaman niyang si Alec ang magiging partner niya sa buong Training nila at sa Talent Night, na magaganap sa huling gabi ng Training nila.
Dahil doon ay naging malapit na sila sa isa’t- isa. Hindi na kinamumuhian ni Alec si Nico. Sa loob lamang ng isang linggo’y naging malapit na silang magkaibigan. Lalong-lalo na noong Talent Night na nila. Sa simula’y napansin ni Nico na sa tuwing nag-eensayo sila ni Alec para sa Talent Night, ay nananahimik lang si Alec. “Nahihiya kasi akong kumanta kung kaunti lang ang makikinig at manonood.” rason pa ni Alec. “Kakaiba ka rin ano? Hindi ba dapat mas mahihiya ka kung marami ang makikinig sa iyo?” tanong naman ni Nico. “Kapag kaunti kasi ang mga tao, mas nakikita ko ang reaksyon ng mga mukha nila. Kapag marami naman, hindi ko na napapansin. Kaya mas gusto ko kung marami ang makikinig, mas nababawasan ang aking tensyon.” paliwanag ni Alec habang naka-ngiti.
“Wow!” iyon ang bukambibig nga mga tao noong narinig nilang kumanta si Alec. Halos mahulog na nga si Nico sa kanyang kinauupuan, dulot ng pagkamangha niya sa mala-anghel na boses ni Alec. Mabuti nga’t hindi nawala sa pagtutugtog ng gitara si Nico habang kumakanta si Alec. Namangha talaga silang lahat kay Alec. Hindi nila inaasahang ganoon pala ka-ganda ang boses ni Alec. Kaya’t hindi maiwasang mapa-ibig pa ng husto si Nico kay Alec.
“Grabe, ang galling mong kumanta. Sa susunod huwag ka nang mahiya dahil napakagaling mo namang kumanta, eh.” puri ni Nico kay Alec. “Hindi kaya. Salamat sa iyong pagpupuri, pero hindi naman ako karapat-dapat na purihin, noh?” nahihiyang sagot ni Alec sabay tingin sa malayo. “Magiging magkaibigan pa rin ba tayo pagbalik ng pasukan? Tanong ni Nico. “Syempre naman. Hindi na magbabago iyon. Basta’t hanggang magkaibigan lang ha? Hanggang doon lang talaga. Hindi mo ako pwedeng mahalin at hindi rin kita pwedeng mahalin. Ayos ba?” sabay taas ng kanyang kanang kamay upang mangako. “Pangako?” muling tanong ni Alec nang hindi pa sumasagot si Nico. “Pangako.” sagot ni Nico kahit alam niyang noon pa ma’y mahal niya na si Alec. Pero pansamantalang nanahimik muna siya tungkol dito.
Mas lumalim pa nga ang relasyoon nilang dalawa, simula noong bumalik na ang pasukan. Mula pagpasok sa eskwela hanggang uwian ay halos hindi na sila mapaghiwalay. Sa nalalapit nilang Senior’s Ball naisipan ni Nico na si Alec ang gusto niyang makapares. “Alec, pwede bang ikaw ang magiging kapares ko sa Senior’s Ball?” tanong ni Nico noong inihatid niya si Alec sa bahay nila. “Walang problema. Mas mabuti ngang ikaw ang kapares ko para hindi ako mailang doon.” sang-ayon ni Alec, sabay ngiti. Masayang-masaya si Nico. Pinaplano niya rin kasing magtapat na kay Alec sa Senior’s Ball.
“Wow, ang ganda mo. Wala akong masabi.” Namamanghang papuri ni Nico nang makita niyang napakaganda ni Alec sa kanyang kasuotan. “Salamat. Ikaw rin naman, ang gwapo mo ngayon,” anya ni Alec, sabay ngiti. “Alec may ipagtatapat lang sana ako sa iyo. Huwag ka munang magsalita. Noon ko pa kasi ito itinatago. Simula pa lang noong unang araw ng pasukan. Tila ba, binigyan ako ng senyales na ikaw na nga ang babaeng matagal ko nang hinahanap. Patawad kung kinukulit kita noon. Sa ganoong paraan mo lang kasi ako pinapansin. Wala akong pakialam kung kamumuhian mo ako. Alam kong nangako ako sa iyo. Pero sadyang may sariling pag-iisip ang aking puso, hindi ko ito matuturuan. Isa pa, noong nangako ako sa iyo, huli na ang lahat. Mahal na kita, Alec. Mahal na mahal na kita, noon pa man.”
Nag-iinit na sa galit si Alec nang sinabi niya ito, “Anong klaseng kaibigan ka? Akala ko ba magiging tapat tayo sa isa’t-isa. Akala ko totoo ang lahat ng mga sinasabi mo. Sira ka nga siguro. Simpleng ‘hindi mo ako pwedeng mahalin’ na linya nga’y ‘di mo maiintindihan. Ayaw ko nang makita ang pagmumukha mo, Nico. Sinungaling ka. Sinabi ko namang ‘di mo ako pwedeng mahalin ‘di ba? Pinagsabihan na kita, hindi ka pa rin nakinig sa akin. Iyon naman ang nakabubuti sa iyo. Alam kong masasaktan ka lang. Alam kong masasayang lang ang oras mo kung ilalaan mo ito sa akin. Kinamumuhian kita Nico. Ayaw ko na si iyo.” Naglalakad na palayo si Alec habang sinisigaw ito ni Nico, “Bakit ba Alec? Bakit hindi pwede? Patawad na nga. Patawad. Pero, mahal talaga kita Alec. Mahal na mahal kita!”
Pagtalikod ni Alec kay Nico ay saka niya lang ibinuhos ang luhang naiipon sa mga mata niya. “Patawad Nico, pero ito ang nakabubuti sa iyo. Masasaktan ka lang kung malalaman mo ang katotohanan. Kung alam mo lang. Nico, mahal din kita. Mahal na mahal din kita. Ngunit may isang bagay lang na humahadlang sa ating pagmamahalan. Patawad Nico. Hindi ko naman ito ginusto. Paalam na Nico, aking mahal.” tahimik niya itong sinasabi habang siya’y papalayo na kay Nico.
Samantalang si Nico nama’y naguguluhan na. Nagtataka talaga siya kung bakit hindi niya pwedeng mahalin si Alec. Gusto niyang malaman ang katotohanan, kaya’t tumungo siya sa bahay nina Alec. Ngunit walang tao doon. Naisipan niyang maghintay na lang. Habang naghihintay siya’y umupo muna siya sa isang tabi.
Kinabukasan, nagising na lang si Nico sa tunog ng isang sasakyan. Dumating na ang ama ni Alec at nakita niyang naroroon si Nico sa may pintuan nila. Pinapasok niya muna si Nico at pinakain bago niya inamin ang katotohanan. “Alam mo kasi iho, malubha na ang karamdaman ni Alec noon pa man. Isang taon na nga lang daw ang estimasyon ng buhay niya, ayon sa kanyang mga doctor. Kaya naisipan naming ilipat siya ng eskwelahan para hindi siya gaanong masaktan at hindi rin masasaktan ang mga tao sa paligid niya. Ngunit ayon kay Alec, sa loob raw ng taong ito, nangyari ang lahat sa kanya. Nangyari ang pinakamasaya, pinakmalungkot at ang pinakamahalagang na bagay sa buong buhay niya. Dahil sa panahong ito lang siya nakadama ng totoong kasiyahan, pag-ibig na umaapaw at nasaktan din ng todo. Hindi naman namin inaasahang ito ang mangyayari. Patawad iho, sana’y noon mo pa nalaman ang tungkol dito,” paliwanag ng ama ni Alec habang tinitingnan si Nico na naguguluhan, nasasaktan at nagdadalamhati.
“Hindi ko alam. Wala akong kaalam-alam. Sa lahat ng panahong ito, tinatago niya pala iyon? Nalaman ko man lang sana upang may nagawa pa ako. Ngayon, huli na ang lahat. Wala na. Wala na siya.”
Napaluhod sa kaiiyak si Nico. Lumapit ang ama ni Alec kay Nico at niyakap siya ng mahigpit. Nag-iyakan silang dalawa hanggang sa natuyo na ang mga luha sa mga mata nila. Agad nagsalita ang ama ni Alec, “Ipinabibigay pala ito ni Alec sa iyo.” Sabay abot ng isang hugis pusong kahon kay Nico. “Pinupuno na iyan ni Alec simula pa lang noong naging malapit kayo sa isa’t-isa hanggang sa huling hininga niya. Ginawa niya iyan alang-alang sa iyo. Malaya kang gawin ang kahit ano diyan. Gusto niya ring ipaalam sa iyo na mahal ka rin niya. Mahal na mahal ka ng anak ko Nico.”
“…mahal ka rin niya…” ito ang laging nasa isip ni Nico mula noon. “Kay sarap sanang pakinggan kung si Alec mismo ang nagsabi sa akin noon.” Napapangiti na lang siya sa mga alaala nilang dalawa. Naaalala niya pa noong binuksan niya ang kahon na ibinigay ni Alec. Naroroon ang mga litrato nilang dalawa ni Alec, ang mga regalong naibigay niya kay Alec at ang isang libro na isinulat mismo ni Alec. Sa librong iyon nakasulat ang buong kwento ng buhay ni Alec simula noong unang araw na nakita niya si Nico hanggang sa huling hininga niya. Noon pa pala siya may gusto kay Nico, ngunit tinatago niya lang ito dahil alam niyang wala na siyang panahon para sa mga bagay na iyon. Alam niyang maikli na lang ang buhay nila. Ito lang ang nasabi ni Nico habang umiiyak na halong lungkot at ligaya ang nadarama, “Hinding-hindi ko talaga makakalimutan ang unang araw na Dumating ka sa buhay ko at ang huling araw na nawala ka sa piling ko. Mamahalin kita kahit wala ka na sa aking piling. Ikaw ang una at ang huling babae na iibigin ko sa habang buhay.”
—-
Genalin is a 2nd year BS in Computer Science student at UP Mindanao.
so inspired:)
“Hinding-hindi ko talaga makakalimutan ang unang araw na Dumating ka sa buhay ko at ang huling araw na nawala ka sa piling ko. Mamahalin kita kahit wala ka na sa aking piling. Ikaw ang una at ang huling babae na iibigin ko sa habang buhay.”