Saranggi Port

Poetry by | February 21, 2010

Minsan noong pababa tayo
sa padyak galing eskuwelahan
dito sa lumang daungan
na dati’y ginamit ng Espanya
sa pagkalakal ng alak,
sinabi mo ang pinaghalong
halimuyak ng ilang-ilang
sa gitna ng liwasan at
simoy ng dagat ay walang
katulad.

Habang kumukuha tayo
ng litrato ng mga mangingisdang
nasa balsa sumasagwan,
namimingwit, naglalambat,
nag-uunahan sa kuha,
hindi ko alintana
ang oras kahit
dapithapon na.

Habang nakaupo tayo
sa sementong bangko,
tabing dagat, pinag-uusapan
ang sarap ng kabataan,
nagkukuwentuhan kung
paano mo natamo
ang peklat sa iyong
kanang braso
at sinisisi iyon
sa pagiging payat mo,
at nagtatawanan sa suwerteng
napagdaanan natin
upang makarating rito,
‘di ko na pansin
ang kompetisyong nagdurugtong
sa ating mga ginagawa.

Isang elementaryang pulong
ng potograpiya
ang nag-ugnay sa ‘tin dito.
At dito ko nahinuha ang sarap
ng pagiging malaya,
ang kontensiyon ng kasiyahan
na roon ko unang nadama
habang kausap ka.
At alam ko
sa iyong mga nasabi
ang galak mo na ito
ang unang pagkakataong
pinayagan ka rin ng
iyong mga magulang
magbiyahe nang mag-isa.

Kinunan mo ang panorama
ng parke, tanawin ng mga batang
naglalaro sa dalampasigan,
naghahabulan at nagtatawanan.
Lantad rin ang iyong pagkahumaling
sa mga bulaklak
na nakapalibot sa parke,
pinakiusapan mo akong
humawak ng mga dahlia
para sa katapusan
iyong plano.
Hindi ko alam anong binabalak
mo sa mga oras na iyon
pero batid ko’y nais mong
ilarawan ang inosensiya
ng buhay.

At noong pagkakataon ko naman
na kumuha ng retrato,
isip ko’y nakasentro
sa simplisidad ng silakbo ng buhay –
mga mangingisda tinutulak
ang balsa, matapos paandarin
ang turbo, makarating sa gitna
ihahagis ang lambat
at hihilahin ang kuha,
babalik sa baybayin
at uuwi na sila.
Pero roon mo rin
nabanggit ang kahalagahan
na kunan silang lumalakad
sa ilalim ng sinag ng buwan
dala ang lambat at timba
pauwi, nakapaa sa malamig na buhagin.

Isang memoryang naiburda
sa aking isip.
Isang pagkakataong aking
ninais-nais balikan.
Hanggang sa ngayon,
kinakausap ang mga tala
na ika’y muling makita
sa porte ng Kiamba, Saranggi.

—-
Hannah Louise Enanoria is a third year AB Sociology student of Ateneo de Davao University.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.