Panahon: Gabi. Sa kwarto. Sa isang bayan. Dalawang matanda. Sila na lang dalawa ang naiwan sa bahay, sa kanilang sariling bahay. Ang mga anak nila’y nag-sarili na rin at nakapag-asawa na. Isang panahon sa isang sulok. Sa isang takdang panahon.
Mga karakter:
Lola Eneng (tipikal na matanda, ang damit duster na may long sleeve na nakasapaw at may belo para sa lamig)
Lolo Iniong (tipikal na matanda, naka pajama, naka sando at t-shirt sa loob at nakasapaw ang polong suot; may salamin at may dalang tungkod, at may tuwalya sa balikat).
Unang maririnig ang plawta pagdaan ng 16 counts. Papasok ang gitara (16 counts). Nakapwesto na si Lola Eneng at Lolo Iniong sa gitna ng entablado. Ilaw naka-dimmer lights, spot light (yellow at blue) over the head ang ilaw. Pag middle light na , makikita na sila ng tao. Maguumpisa na sa pagtimpla ng kape si Lola Eneng.
Lola Eneng: (Nagtitimpla) (Ang gitara parang mga bulong. Maririnig ang mga rainsticks at percussion na buto) Iniong gumising ka na, magkape ka na!
Lolo Iniong: (babangon) O, ba’t madilim? Wala bang ilaw? (uupo sa katre, palingun–lingon sa paligid)
Lola Eneng: Sira ang generator ng bayan.
Lolo Iniong: Eh, kailan daw maayos?
Lola Eneng: May katagalan din, gaya ng dati.
Lolo Iniong: (babangon mula higaan, at uupo din sa mismong higaan) Malamig ang hangin. (yayakapin ang sarili) Tamang–tama mainit ang kape (lalakad patungo ng lamiseta, mahinang–mahina)
Lola Eneng: Nasasalamin ko ang kasaysayan ng ating paglalakbay. Tingnan mo, hindi matapus–tapos ang tinatahi ko. Wala ng lakas ang mga kamay sa dilim (pagagalawin at titigan ang mga daliri) kay hirap gumalaw sa dilim ng liwanag.
Lolo Iniong: Hindi ka na nasanay (iinom ng kape nang may katagalan). Eh di naman tayo ipinanganak sa liwanag ng makabago. Nagsusunog tayo ng apoy sa gabi (tititigan ang lamparilya).
Lolo Eneng: Maaga tayong natutulog noon, at kay bata pa ng panahon. (Hihigop). Subalit kay ikli na ng gabi sa bawat paglusaw ng kandila. Gayunman, palalim nang palalim ang gabi dahil sa mga panaginip.
Lolo Iniong: Malamang kung gaya ng dati, matitira at mababato ang mundo sa isang sulok. Parang abo ng lupa, maiisang tabi na lang tayo.
Lola Eneng: Ngayon, mas lubhang lumalalim ang gabi ng kasaysayan at lalong tumindi ang sinag ng kaunlaran. Makulay na kumukutitap sa hapag ng kaunlaran.
Lolo Iniong: Marahil, ganap na ang kanilang panahon. Binubuhay sila ng ilaw. Noo’y hawak natin ang panahon. Eh, paano sa katandaan natin, kaunlara’y napapalagay sa huli!..Bagama’t malakas man, nanghihina pa rin.
Lola Eneng: Kay ikli ng buhay habang pinagmamasdan ko ang ilaw. Nanghihina ang katawan ko. (Uubo).
Lolo Iniong: Eneng, lumalala na ‘yang ubo mo. Diyan ka muna at kukuha ako ng tubig (kukuha ng tubig nang may medyo katagalan. E-sus ang gitara. Mas malakas ng kaunti, mas malalim ang emosyon). Uminom ka, dahan–dahan lang.
Lola Eneng: Salamat sa Diyos, nararamdaman ko, nararamdaman ko na.
Lolo Iniong: Magpahinga ka na.Ala-una pasado na ng madaling araw (kakamot at hihimasin ang noo. Sa ilang sandali lalapit sa kandilang may sindi at bubulong-bulong). Mahina ka na rin. Ganon din ako. (Itataas ang kaliwang kamay at dahan-dahang ipagagalaw ang mga kamay palapit sa kandila)..Kaedad mo na nga ang panahon. Kumukulubot, natutuyo. Makukupasan, kumukupas.
Ang ilaw! Nakakasilaw ang ilaw! Ang liwanag sa gabi ang tanging liwanag sa sulok. Gayunpama’y tanaw ko pa rin ang liwanag—mga naglalarong kulay, naglalagablab na kulay..Nasusunog na ala-ala. Nawawalay.
Subalit huwag kang mag-alala. Mananatili ang apoy, ang mga usok kakapit sa bubungan, sa kurtina, sa paligid. O sa ala-ala.
Ang apoy ng kahapon. Magaganap ang magaganap. Masakit sa dibdib (hihinga ng malalim).
O ilaw. Sino ka nga ba? O liwanag, sino ka nga ba? Sino ba talaga ang liwanag?
(Papatayin ang liwanag. Patuloy ang rainstick).
—-
Si Noy Narciso ay isang pintor at musikero na nagtuturo sa Ateneo de Davao.