Mga Kendi at Turon

Fiction by | September 20, 2009

“Limang piso?” tanong ni Bien sabay kamot ng ulo.

Nginitian sya ng kanyang ina at hinalikan. “Mag aral ka nang mabuti. Dapat hindi ka mahuhuli sa eskwela anak, ha?” malambing na paalala nito.

Alam nyang kahit ilang beses syang magtanong ay hindi na madadagdagan ang kanyang baon para sa araw na iyon kaya naman ay ibinulsa na nya ito, tumalikod, at lumakad patungo sa eskwela.

Kahit kailan ay hindi pa nahuhuli si Bien sa klase. Hindi man sya ang pinakamatalino sa klase niya, ngunit ang “record” niyang “never been late” ang pinanghahawakan nya simula nung grade 1. Grade 3 na siya ngayon at malinis pa rin ang “record” niya kahit naglalakad lang siya patungong paaralan. Natatalo pa niya ang mga kaklaseng may sariling sasakyan.

Magulo ang daan at marami nang tricycle nang lumabas si Bien sa kanilang bahay. Medyo nahuli sya ng gising pero mabilis syang kumilos kaya naman nahuli lamang sya ng ilang minuto sa kanyang nakasanayang oras ng pag-alis ng bahay.

Kahit medyo malungkot ay pakanta-kanta pa si Bien habang naglalakad nang umagang yon. “Voltes Five…Voltes Five…Lalala.”

Dinukot niya sa bulsa ang kanyang limang piso at mahigpit na kinupkop sa kanyang kanang palad. Marami syang nadaanang maliliit na tindahan. Minamataan nya ang bawat bagay na alam niya ay mabibili ng limang piso.

“Bibili na lang kaya ako ng limang kendi mamaya. O kaya turon,” nakangiting bulong ni Bien sa sarili. “Magtatabi rin ako para sa alkansya ko. Hay naku, limang piso, dito ka lang sa akin, ha?” At nagpatuloy siya sa paglalakad hawak-hawak ang limang piso.

“Bulaga!” sabay bukas ng palad. Tila ba naglalaro ang kanyang isip, nagbabakasakali siyang magbago ang halaga ng tangan niyang pera. Natawa siya at makailang ulit din niyang binukas at binulaga ang palad habang naglalakad.

Maaga pa at hindi pa matindi ang sikat ng araw ngunit pinagpapawisan na siya dahil sa paglalakad. Napagpasyahan niyang huminto upang kunin ang pabaong panyo ng kanyang ina sa loob ng bag. Bagong bili iyon sa ukay-ukay pero nilabhan nang mabuti kaya mabango. Napatingin siya sa araw matapos mapunasan ang pawis sa noo at sa pagitan ng bibig at ilong. Tinitigan nya ang dilaw na bituin sa langit. Bumilang sya ng lima. At isa pang lima.

“Akala ko ba nakakabulag kang titigan?” pagmamalaki nyang tanong sa araw. Nagkibit siya ng balikat at nagpatuloy sa paglalakad. Matapos ang ilang hakbang ay nakaramdam siya ng pagkahilo. May nakikita rin siyang bilog sa gitna ng kanyang paningin, parang isang maliit na imahe ng araw. Pinikit-pikit niya ang mga mata at pinisil-pisil. Inunat niya ang kanyang paa at braso tulad ng isang atleta na sasabak sa laro. Pagkatapos ay nagpatuloy sa paglalakad.

“Hoy bata!” sigaw ng isang mama sa likod nya. Bumusina ito ng pagkahaba-haba at pagkalakas-lakas. Napalingon si Bien at nakitang muntik nang mabundol ang isang batang kasabay niyang maglakad tuwing umaga. Sa halip na mag-alala ay tila natuwa pa si Bien.

“Wow. Action yun ah!” sabay aktong kunwari ay nagmomotor sya. Ginaya nya ang tunog ng sasakyan at kumaripas ng takbo. Matapos “magmotor” ng ilang metro ay napagod na rin si Bien. Huminto sya at naalala ang limang pisong hawak-hawak niya. Laking gulat niya nang mapagtantong wala na ito sa kanyang kanang palad. Tanaw na ni Bien ang kanilang paaralan. Mag-aalas syete y medya na. Ilang minuto na lang ay mahuhuli na sya sa klase kung hindi sya magmamadali. Kaya pa niyang humabol kung tatakbo sya.

Ngunit ayaw gumalaw ng mga paa ni Bien patungong paaralan. Malakas ang kabog ng dibdib nya. Nalilito sya kung anong isasalba nya: ang kanyang nag-iisang karangalan sa klase o ang limang pisong pinakaiingatan nya. Gusto na niyang umiyak at maupo sa gilid ng daan. Ano ba ang dapat gawin? Kung nandito kaya ang nanay anong sasabihin nya kay Bien?

Ring…Ring…Ring…

Tumunog na ang bell na hudyat ng recess.

Hindi na makita si Bien sa kanyang upuan. Nauna na syang lumabas sa kanyang mga kaklase matapos marinig ang bell. Naupo sya sa nakausling ugat ng malaking puno sa harap ng silid aralan. Malungkot sya dahil hindi niya nabalikan ang kanyang limang piso.

Gumuhit siya sa lupa ng isang bilog gamit ang kanyang daliri. Narinig niya ang iyak ng kanyang tiyan. Gutom na siya. Ayaw niyang tumingin sa paligid dahil ang lahat ay kumakain.

Biglang lumapit ang isang batang pamilyar sa kanya. Ito iyong batang lalaking muntik nang masagasaan kanina sa paglalakad.

“Sa’yo yata ito,” sabay bukas ng palad ng bata.

“Limang piso?!” sigaw ni Bien. Nagliwanag ang kanyang mukha nang makita ang inaabot ng bata.

“Hinabol ko ito kanina sa daan nang mabitawan mo. Napagalitan nga ako nung mama kanina kasi nakaharang ako sa daan nung pinulot ko ito,” paliwanag ng bata.

Hindi nakapagsalita si Bien ngunit kinuha nya ang pera at tumakbo sa tindahan. “Salamat ha!” sigaw niya sa batang naiwan niyang nagulat at unti-unting nakangisi.

—-
Jezereel Billano studies ComArts in UP Mindanao.

3 thoughts on “Mga Kendi at Turon”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.