Nung nasa elementarya pa ako, inggit na inggit ako sa aking mga kaklase na nagbibisikleta papuntang paaralan. Mahigit isang kilometro kasi ang layo ng paaralan mula sa aming bahay at nilalakad ko lang ito tuwing papasok sa eskwela, umulan man o umaraw. At samantalang naglalakad nga ako, heto’t dinadaanan lang ako ng aking mga kaklase na nagbibisikleta. Pakiwari ko ba’y ang sarap-sarap magbisikleta lalo na’t ang init-init ng araw.
May bisikleta naman kami pero ginagamit ito ng tatay ko upang magdeliber ng tuba sa kanyang mga suki. Nang minsang nasabi ko kay inay na gusto kong matutong magbisikleta, mahigpit niya itong ipinagbawal dahil kababae kong tao ay kung bakit pinag-iinteresan ko ang magbisikleta. “Di puwedeng magbisikleta ang babae,” wika niya.
At saka ang liit-liit ko kasi. Hindi ko nga maabot ang padyakan. Baka madisgrasya lang ako at masira pa ang bisikleta namin. Papano na ang pagdeliber ng tuba sa mga suki ng tatay? Iyon lang ang tanging hanapbuhay ng itay; at iyan lang ang ikinabubuhay namin.
Ngunit hindi naibsan ang pagnanasa kong matutong magbisikleta. Nang nasa ika-anim na baiting na ako at labing-isang taong gulang na, naglakas-loob akong subukan ang pagbibisikleta. At dahil nga ayaw ng nanay ko na ako’y magbisikleta, inilihim ko ang aking plano. Hindi rin ako humingi ng tulong mula kanino. Ang gagawin kong pagsasanay ay isang malaking sekreto.
At isang araw, matapos ang eskwela, nagsuot ako ng pantalon at kinuha ang aming bisikletang nakalagay sa likod ng aming bahay. Dinala ko ito sa loobang daan papunta sa may niyogan. Tumuntong ako sa isang punso upang maabot ko ang upuan ng bisikleta. Ilang beses kong sinubukang pumatong ngunit hindi ako nagtagumpay.
At dahil nga nais ko talagang matuto, ako’y nagpursigi sa aking sarili. Tuwing umuuwi ako galing eskwela bawat hapon, naglalaan ako ng oras sa sekretong pagsasanay. Minsan dahil sa pagmamadali, nakalimutan kong magsuot ng sapatos. Dinala ko uli ang bisikleta sa loobang daan papunta sa niyogan. Sinubukan kong sumakay sa bisikleta, ngunit nang naipatong ko na ang aking puwit sa upuan bigla akong humandusay at natumba ang bisikleta!
Natanggal ang kuko ng aking paa at umagos ang maraming dugo. Dahil sa takot na mabisto ang aking sekreto at baka masermonan ako, tiniis ko ang sakit na aking naramdaman. Dahan-dahan akong tumayo at pumunta sa isang puno ng malunggay sa aming bakuran, kumuha ng dahon at ginamot ang aking sugat.
Dumaan ang isang linggo bago gumaling ang aking sugat. Para sa akin napakahabang panahon ang nasayang na hindi ako nakapagsanay. Sa isip ko, sana hindi ako nagkaroon ng sugat upang tuloy-tuloy ang aking pagsasanay.
Maala-ala ko pa ang araw kung kailan nabisto ang aking sekreto. Lunes ng hapon, mga alas singko, kinuha ko na naman ang aming bisikleta at sinuring mabuti kung ano
ang pwede kong galawin doon upang ibaba ang upuan. Hanggat hindi ko naabot ang upuan ng bisikleta, hindi ko talaga ito masasakyan. Ngunit kahit anong tingin ko, hindi ko alam kung paano i-adjust ang upuan. Takot din akong mabuko kung ibaba ko ang upuan, kaya hindi ko na ito ginalaw. Pabalik-balik akong tumuntong sa punso upang makaupo sa bisikleta.
“Bakit mo iyan pinakikialaman?”
Si Itay! Nagulantang ako sa kanyang boses. Lingid sa aking kaalaman, pinagmasdan pala ako ng aking ama. Kitang-kita niya ang aking pagsasanay dahil nasa itaas siya ng niyog, naglalagay ng tungog sa tuba ng mga oras na yon.
“Gusto ko talagang matutong magbisikleta, Pa,” sabi ko nang makababa na siya. “Patawarin nyo po ako.”
“Kung gusto mong matuto, bakit hindi mo sinabi sa akin?” tanong niya.
“Baka kasi magalit si Mama,” paliwanag ko. “Sorry po talaga, Pa. Gusto kong magbisikleta papunta sa paaralan tulad ng mga kaklase ko. Dinadaanan lang nila ako.” At dugtong ko: “Isa pa, gusto kong ako na lang ang maghatid ng tuba sa suki natin.”
“Oo, sige, hintayin mo ako rito. Iuwi ko muna itong kawit sa bahay. Pagbalik ko, tuturuan kita”.
“Salamat, Pa.” sagot ko.
Tuwang-tuwa ako at hindi nagalit si Itay. Bagkos ay naawa pa nga siya sa akin. Nang bumalik na siya, hinawakan niya ang likuran ng bisikleta at dahan-dahan niya itong itinulak. Hinayaan niya akong pumadyak nang pumadyak hanggang nakapagmaneho akong nag-iisa sa layo ng limang metro. Inulit ko na namang sumakay. Hinawakan pa rin niya ang bisikleta sa likuran at dahan-dahan itong itinulak. Ang pagbalanse ang una kong natutunan sa hapong iyon.
Kinabukasan ng hapon sa ganoong oras din ay tinuruan niya akong muli. Nakapagmaneho na ako hanggang mga dalawampung metro. Sa loob ng isang linggo ay lubusan na akong natuto. Saka ko pa sinabi sa aking ina na marunong na akong magbisikleta.
Sa simula ay nagalit siya sa akin at sangkatutak na sermon ang pinakawalan niya. Humingi ako ng tawad at pinatawad naman niya ako. Wala na siyang magawa, kaya’t hanggang paalaala na lang siya: “Huwag masyadong matulin ang pagbisikleta,” sabi niya.
“Oo, Ma, lagi ko iyang tatandaan,” sagot ko sa kanya.
Pagkaraan ng isang linggo ipinagamit na ng ama ko ang bisikleta sa paaralan. Hindi na ako nainggit sa aking mga kaklase. At pinayagan na rin niya akong maghatid ng tuba sa kanyang mga suki kapag walang pasok o kaya ay araw ng Sabado at Linggo.
Nang makita ng aking mga kaklase ang paghahatid ko ng tuba sa mga suki ng tatay, panay ang kantiyaw nila sa akin. Gumawa pa nga sila ng tugmaang pambata para lang ipangkantiyaw sa akin.
“Enciong manananggot,
sa lubing walay udlot.”
Ito’y pabalik-balik nilang isinisigaw pag naghahatid ako ng tuba. Ang palayaw ng aking ama ay “Enciong,” kaya iyon ang ginamit nila.
Walang epekto sa akin ang kanilang pangangantiyaw at pangungutya. Pinapatakbo ko lang ang aking bisikleta at tinatawanan ko silang lahat. Lubos ang aking kasiyahan na natupad na rin ang aking pangarap na magbisikleta sa paaralan. Ipinagmalaki ko sa kanilang lahat na ang aking pagkatutong magbisikleta ay nanggaling sa aking pagtitiyaga at ito’y napapakinabangan pa sa paghahatid ng tuba sa aming mga suki na siyang ikinabubuhay ng aming pamilya.
—-
Si PERLITA B. NAPALA ay isang guro sa isang pampublikong paaralan sa Pantukan, Compostela Valley. “Ang Bisikleta” ay produkto ng kursong Malikhaing Pagsulat na bahagi ng Certificate Program for Teaching Filipino na inisponsor ng Dep-Ed at Ateneo de Davao University.