Kapag Ang Iniibig Mo'y Isang Makata

Poetry by | May 31, 2009

Pinili mong sumayaw
sa ritmo
ng kanyang mga tula;
Pinili mong kumanta
sa himig
ng kanyang mga salita.

Pinili mong
siya ang isilid
sa said na espasyong
namamagitan
sa iyong puso’t isipan.

Pinili mo ang isang makata.

Hilingin mong
paligayahin ka
hindi ng kanyang
mabulaklak na talinghaga
kundi ng kanyang hubad
na mga salita
At walang saplot na metapora.

Bawat taludtod ay balat
makinis man o magaspang.
Bawat titik ay laman
matipuno, matigas
malambot, madulas
mainit, nag-aalab.

Hilingin mong
ihiga ka
sa kanyang papel
habang binabakat
ang balangkas
ng iyong katawan

mula ulo
hanggang leeg
hanggang dibdib
hanggang baywang
hanggang mga hita
at sa pagitan nila
hanggang mga binti

at tutulo
ang matingkad na tinta
mula sa kanyang pluma.

Ang dugo ng kanyang panulat

ay manunuot sa bawat hibla,
mag-iiwan
ng isang panghabambuhay
na alaalang
higit pa sa sanlibong tula.

Ganyan
kapag ang iniibig mo’y
isang makata.

—-
Paul Randy Gumanao is a sophomore BS Chemistry student at ADDU.

2 thoughts on “Kapag Ang Iniibig Mo'y Isang Makata”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.