Inip

Fiction by | May 24, 2009

Kahapon, ito ay isang tulang pag-ibig. Isinulat ko ito para sa’yo. Hinintay kita ng matagal, pero hindi ka dumating. Ayan tuloy, nainip ito at naging isang hamak na litanya. Makinig ka ha? Mabilis lang ‘to.

Kahapon, ito ay isang tulang pag-ibig. Binanggit ko ang lahat ng mga bagay na bumuo ng araw ko. Binanggit ko ang mga makukupad mong ngiti, gaano ka kabuti sa pamilya mo, at ang katangi-tanging paraan ng paghawak mo ng bolpen. Binanggit ko rin gaano ka kagaling gumuhit; pinuri kita hanggang nagtampo ang mga kaibigan ko at hindi na rin nila hinintay na dumating ka. (Nakakapagod raw kasi makinig sa mga himig kong puro ikaw, ikaw, ikaw.)

Kahapon kasi, ito ay isang tulang pag-ibig. Saan ka ba nagpunta? Ni hindi ka tumawag, o kahit nag-text man lang. Hindi mo tuloy ito naabutan. Tinalakay ko ang iyong tamis ng puno ng saya. Pinili ko ang pinakamagagandang mga salita sa paglarawan ng iyong talinghaga. Sinubukan kong ipinta gamit ang itim na tinta at puting papel ang lahat ng kulay na naiiwan sa aking balat kapag hinahaplos mo ako. Inilathala ko rin, isa-isa, ang iba’t iba mong paraan upang dalhin ang sinag ng araw sa aking mga umaga.

Kahapon, ito ay isang tulang pag-ibig. Ngunit napagod ito sa kahihintay sa’yo. Nangako kang basahin ito. Saan ka ba talaga nagpunta? Natapos kong gawin ang tula sa tanghali. Tumayo ito sa may pintuan ng bahay niyo at hinintay kang dumating. Nag-overtime ka ba? Na-traffic? Sumikat nalang ulit ang araw hindi ka parin dumating. Iniwan mong tulala ang noo’y isang tula.

Ewan ko sa’yo. Maghanap ka nga ng ibang makata.

—-
Karla Singson is a graduate of BSBA-Mktg from the Ateneo de Davao University.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.