(A rap-song still waiting for its music)
Narration:
Tila buong buhay ko na ay inialay ko
sa pagakyat ng bundok na ito…
Kapayapaan…ang kanyang pangalan….
Start of rap /song:
Unti-unti ang mga kasama ko ay
Napipikon na, nawawalan ng pag-asa
Unti-unti ang mga kasama ko ay
Napapaslang ng mga halimaw sa daan
Unti-unti ang mga kasama ko ay
Nadadapa, napipinsala
Ang iba sa kanilay humina na ang kalooban
Sa kaniya-kaniyang dunong ay nagpasiklaban
At sumilakbo sa pag-aalitan
Mga halimaw sa daan ay naghiyawan
Ahahahahaha
Refrain:
Mahal naming Bundok Kapayapaan
Tugatog mo kay hirap makamtan
Makapagmuni-muni muna, makapagtanung-tanong muna
Ayayayayay
Babaylan ng bundok Kapayapaan, magpakita ka sana
Nang kamiy tulungang makapaglimi muna
Rap:
At ang sabi ng matandang babaylan sa amin
Simple lang ngunit kay hirap aminin:
Ano kayat iwan niyo na muna kung ano-anong mga sapin
Na tila mas makapal pa kaysa bundok na sinasabi
At ang mga dala-dalang mabibigat na bagahe
Sa loob at sa labas bitbit-bitbit na simula pa ng biyahe
Repeat refrain
At hmm, sa mga pagod na mata niyoy nababasa ko
Ano kayat maging totoo, magpakatao
Oo nga’t tingnan muna ang kasaysayan
Upang luminaw ang patutunguhan
Gayun pa man kaliwa o kanan
Tumingin din sa kaloob-looban
Sa mga mata ng kasamang tingin moy may kapansanan
Na katulad moy mayroon ding kahinaan
Lakas ng mapagkunwaring halimaw ay huwag nang bitbitin
Kahit lawa ng Kapayapaan baka inyo pang marating
Repeat refrain
At ang sabi ng matandang babaylan sa amin
Simple lang ngunit kay hirap pakinggan:
Walang bisa ang pananakot ng mga halimaw sa daan
Kung maging totoo ka lamang
Sino nga ba ang may dunong tungkol sa tamang daan?
Sino nga ba ang makakapagsulong sa tamang paraan?
Ewan ko rin ba, pero iiwan na ang mga baga-bagaheng sagabal lamang
Repeat refrain
Narration:
At ang bulong na tanong ng babaylan sa akin
Simple lang ngunit ang hirap kong sagutin:
Saan ka ba mas nahihirapan?
Tuktok ay tahakin
O mga bagahe moy iwan?
Ano ang iyong mas kinakatakutan?
Matinik na landas
O bagahe moy bitawan?
—-
Agnes N. Miclat Cacayan considers herself a student of the wholeness /spirituality wisdom of the Lumads, and of the world’s indigenous traditions as well. She lives in Davao City.