Dalagita

Fiction by | November 23, 2008

Tumingala sa langit. Nasaan na kaya siya?Alas singko y medya. Medyo madilim na. Kailangan daw mag-ingat sa paglalakad. Mahirap na. Maputik ngayon. Sana mamaya na bumuhos ang ulan. Sumakay na lang sana ng pedicab. Medyo malayo rin pala. Parang malapit lang naman ‘to dati. Hinahatid pa niya ako noon. Pwede naman sigurong dumaan sandali sa tindahan nina Lily. Mangangamusta lang, matagal-tagal na rin. Minsan lang makalabas. Magpapakita pa kaya siya? Buntong-hininga. ‘Wag na lang, baka magalit ang nanay. Buti nga kahit pa’no, pumayag ngayon sa paglabas. Konting tiis na lang. Tingin lang ng diretso. Isang kanto na lang, bahay na. Nakakapagod pala talaga.. Kakayanin ko kahit wala siya. Higit sa bigat, yaong mga tingin, yaong mga bulong. Pero andito sana siya. Sabi na ngang huwag nang lumabas. Naku, bahala silang mag-isip ng kahit ano. Kailangang aluin ang tatay. Natatakot pa rin siguro siyang magpakita. Sana naman matuwa siya kahit paano, paborito niya ‘tong ulam. Sana ngumiti siya kahit bahagya. Sana… Naku, ba’t naman bigla ang buhos ng ulan? Takbo, mahirap daw magkasakit kung ganito. Doble problema. Nakakainis naman. Takbo-lakad. Takbo-lakad. Takbo… Nadulas. Nabuwal. Baka hindi na nga niya ako babalikan. Ayos lang siguro, konting galos lang. Kailangang tumayo. Naku, ang ulam ni tatay! Takbo-lakad. Takbo-lakad. Magagalit nito si nanay. Takbo-lakad. Baka magalit lalo si tatay. Takbo-lakad. Di naman siguro delikado. Takbo-lakad. Takbo-lakad. Nalugmok ulit. Tayo. Takbo. Siguro hindi nga niya ako mahal. Natigilan. Mahapdi. Tingin sa paa…sa binti…Putik lang. Wala na siyang pakialam sa akin! Naluha. Iniwan niya ako! Hindi, hindi lang putik. Putik. At dugo. Wala siyang kuwenta! Dugo nga… Matutuwa ba o maghihinagpis? Tumingala sa langit. Nasaan siya ngayon?

—-
Jezereel Billano is a 4th year BA Communication Arts student of UP Mindanao.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.