Pangaral ni Juan Tamad kay Kasoy

Poetry by | March 23, 2008

Batid kong hirap ka sa kinatatayuan mo
ngayon kaibigang kasoy.
Oo nga’t madilaw at mukha kang matamis
kapag hinog
subalit bakit pagkatao
mo’y nasa kinalahati?
Alam kong sa loob nakalakip ang iyong
walang hanggang pagsisisi
at sa labas nakausli
dunong at kagandahan
na iyong inasam;
sa labas ng iyong kampana
tila mukha kang nagbigti.
Ayaw mo kasi
ang himig na payapa
sa loob –
suwail kang talaga!
Di ba’t sinabi na sa ‘yo
ng Amang buto na manatili?
Siguro nga’t di mo alintana
kabalintunaan ng mundo, kaibigan.
Mahirap pag umuulan.
Mahapdi pag umiinit.
Maingay, mabilis,
mapang-api,
magulo.
Inosente ka nga.
Buti nga…
buti nga…
Ba’t di mo ako ginaya?
Kontento na sa lahat.
Bagay ay sadyang darating
pag hinog na itong mangyari.
Heto ako ngayon –
hinihintay pa ring bumagsak
ang hinog na bayabas kahit
alam ko nang kinakain na ito
ng mga gutom na maya.
Heto ako ngayon.
Tulad
pa
rin
ng
dati.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.