Ang tibay mo pare ko.
Hindi mo man lang ininda
ang lupit ng mga daluyong
at ang bagsik ng mga bagyo.
Pilit mong inaaruga
at balak gisingin pa
ang isang kasaysayang
matagal nang sumanib
at humalo sa lupa.
Ba’t andyan ka pa kasi?
At bakit mukhang sariwa ka pa –
na para bang pinigilan mo
ang paglagas ng panahon at pag-ikot ng mundo?
Ipaubaya mo na sa limot ang mga naglahong halakhak,
mga bawal na pagtatalik
at ang tamis at alat ng mga pira-pirasong panaginip.
Pahinga na pare ko,
sumabay ka na sa agos ng dagat,
huwag ka nang babalik
upang wala na rin akong
babalik balikan pa.